MANILA, Philippines – Posibleng makaranas ang mga motorista ng panibagong rollback sa presyo ng langis sa susunod na linggo matapos magpatuloy ang pagbaba ng presyo sa nakalipas na dalawang araw, ayon sa mga opisyal ng Department of Energy (DOE).
Sa isinagawang virtual press briefing nitong Miyerkules, sinabi ni DOE Undersecretary Alessandro Sales na nakikita ng ahensya ang downtrend sa presyo batay sa Mean of Platts Singapore (MOPS).
“As of today, prices over the past two days have continued to decline. Even with the pronouncement of President Donald Trump that they would station warships at the opening of the Strait of Hormuz, the market does not appear to be pricing that in, so MOPS has continued to go down,” giit niya.
“If this market reaction continues, we could see more stable prices or even another rollback,” dagdag ni Sales.
Gayunman, nagbabala si Energy Secretary Sharon Garin na nananatiling pabagu-bago ang sitwasyon sa Middle East at kailangan pang bantayan ng DOE ang galaw ng MOPS sa natitirang mga araw ng linggo bago makagawa ng mas tiyak na pagtataya.
“We need five days to monitor, but hopefully prices won’t go up,” aniya pa.
Noong Martes, ipinatupad ng mga fuel retailer ang unang rollback sa presyo ng langis mula nang sumiklab ang sigalot sa pagitan ng US, Israel, at Iran noong huling bahagi ng Pebrero. Dumating ang pinakahuling rollback matapos pumayag si Trump sa ceasefire sa Iran, kapalit ng pagsang-ayon ng Tehran na itigil ang blockade sa mga padala ng langis at gas sa Strait of Hormuz.
Gayunman, sinabi ni Trump nitong nagdaang weekend na agad haharangan ng US Navy ang naturang strait matapos mabigo ang usapan sa Tehran na magbunga ng kasunduan para wakasan ang sigalot. Dave Baluyot