Home NATIONWIDE DOE pinatututok sa generation projects; suplay, presyo maging sapat

DOE pinatututok sa generation projects; suplay, presyo maging sapat

153
0

MANILA, Philippines – Hinimok ni Senador Sherwin Gatchalian ang Department of Energy (DOE) na tumutok sa paglikha ng ilng energy generation projects sa pagpapatupad ng sistema ng Energy Virtual One-Stop Shop (EVOSS) upang makatulong na matiyak na sapat ang suplay at mapababa ang singil sa kuryente.

Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na adhikain ng EVOSS na maiproseso kaagad ang lahat ng aplikasyon sa anumang proyektong may kinalaman sa enerhiya.

Dumalo ang ilang energy official sa nakaraang pagdinig ng Senado sa panukalang badyet ng ahensiya at kaugnay na tanggapan para sa 2025.

“Mag-focus muna tayo sa mga generation projects dahil mahalaga ang sapat na suplay ng kuryente bago natin palawakin sa ibang sektor ang pagpapatupad ng EVOSS,” ayon kay Gatchalian.

Sinabi ni Gatchalian, vice-chair ng Senate Committee on Energy, na may kabuuang 263 milyong pisong inilaan para sa EVOSS mula noong 2019, na may karagdagang P36 milyon na pondong hiniling para sa 2025.

“Naglaan na tayo ng malaking halaga para sa EVOSS sa mga nakaraang taon at kailangan nating makita ang buong potensyal nito na maisasakatuparan sa halagang iyon,” sabi ng senador.

Kapag ganap nang ipinatupad, tatanggalin ng EVOSS system ang ‘red tape’ sa pagpoproseso ng mga aplikasyon ng mga energy projects o humigit-kumulang 269 araw, at gawin na lang itong humigit kumulang 85 araw lamang, depende sa lokasyon at uri ng generation facility.

Sa ngayon may ilang pang ahensya ng gobyerno na hindi nai-incorporate ang sistema sa EVOSS, tulad ng Department of Agrarian Reform, Department of Environment and Natural Resources, National Grid Corporation of the Philippines, at National Water Regulatory Board.

Nilagdaan bilang batas noong Marso 2019, ang Republic Act 11234, na lumikha ng EVOSS system, na naglalayong i-streamline ang proseso ng pagpapahintulot para sa pagbuo ng mga proyekto ng enerhiya sa bansa.

Sakop ng EVOSS system ang lahat ng bagong power generation, transmission, o distribution projects sa bansa.

Sa pamamagitan ng EVOSS, ani Gatchalian, mapapabilis na ang pag-apruba ng mga proyekto, makakahikayat ng kumpetisyon sa merkado, magkakaroon ng transparency, at sa kabuuan ay mapapahusay ang buong proseso.

Matatandaang nagbigay na ng direktiba ang Pangulong Marcos sa DOE na paspasan ang integration ng mga ahensya ng gobyerno sa sistema ng EVOSS. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here