Home METRO DOH: Dengue cases sa NCR bumaba

DOH: Dengue cases sa NCR bumaba

MANILA, Philippines- Mula Enero 1 hanggang Hunyo 22, bumaba ng 16.39 porsyento ang bilang ng kasong dengue sa National Capital Region (NCR), ayon sa opisyal ng Department of Health nitong Martes.

May kabuuang 6,531 kaso ang naitala sa unang anim na buwan ng 2024 sa NCR, mas mababa sa 7,811 sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, sinabi ni DOH Infectious Disease Prevention and Control Cluster medical officer Adorissa Jurao sa Kapihan sa Bagong Pilipinas briefing.

Ang datos mula sa regional epidemiology surveillance unit ay nagpakita na karamihan sa mga kaso sa rehiyon ay nagmula sa Quezon City na may 1,653 o 25.31 porsyento ng kabuuang tally.

Humigit-kumulang 1,830 o 28.02 porsyento ng mga kaso ang nabibilang sa pangkat ng lima hanggang siyam na taong gulang na mga indibidwal.

Pitong pagkamatay ang naiulat ngunit ang rehiyon ay nananatiling mababa sa alert threshold.

Iniugnay ni Jurao ang pagbaba ng mga naiulat na kaso sa koordinasyon ng local government units sa DOH at iba pang pasilidad ng kalusugan.

Ang pag-spray ng insecticides na prequalified ng World Health Organization ay ginagawa rin batay sa clustering ng mga kaso, dagdag ni Jurao. Jocelyn Tabangcura-Domenden