Home NATIONWIDE DOH inatasang palakasin information drive para maiwasan implikasyon ng El Niño sa...

DOH inatasang palakasin information drive para maiwasan implikasyon ng El Niño sa kalusugan

5
0

MANILA, Philippines – Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Health (DOH) na paigtingin ang information campaign nito laban sa banta ng Super El Niño at posibleng epekto sa kalusugan sa komunidad.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Health Secretary Dr. Edwin Mercado na inatasan ng Pangulo ang DoH na huwag lamang gumamit ng posters at advisory kundi pakilusin ang mga barangay health workers na magsagawa ng house-to-house information campaigns.

“Tayo nga po ay inatasan ng Pangulo na gumawa ng mga information campaigns hindi lamang po mga posters kundi to reach out, even magbahay-bahay ang ating barangay health workers upang ipaliwanag iyong mga kailangang gawin para maiwasan ang implikasyon ng El Niño,” ayon kay Mercado.

Sinabi pa ni Mercado na pinayuhan ng departamento ang publiko na iwasan ang matagal na exposure ng direkta sa sikat ng araw, gumawa ng regular breaks habang nagtatrabaho sa labas at uminom ng tubig ng anim hanggang walong baso ng tubig araw-araw.

Binalaan din ng DoH ang publiko ukol sa heat stroke at dehydration, dahil maaaring malagay sa panganib ang kalusugan dahil sa matinding init lalo na ang mga taong naglalaan ng mahabang oras sa labas.

Mino-monitor din ng DoH ang posibleng pagtaas ng vector-borne at water-borne diseases, kabilang na ang dengue, typhoid, at cholera, mayroong surveillance teams at nasa ayos na ang mga gamot.

Samantala, hinikayat ng Malakanyang na maayos na maghanda para sa El Niño nang hindi magpa-panic buying, tiniyak sa mga komunidad na ang mga ahensiya ng gobyerno ay gumagawa ng hakbang para sa potensiyal na epekto. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here