Home NATIONWIDE P11.49B dagdag pondo sa DPWH sa 2027, ipinaliwanag ni Dizon

P11.49B dagdag pondo sa DPWH sa 2027, ipinaliwanag ni Dizon

3
0

MANILA, Philippines – Ipinaliwanag ni Public Works Secretary Vince Dizon na ang P11.49 bilyong dagdag na pondo para sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa panukalang 2027 national budget ay gagamitin sa mga infrastructure project na nakumpleto na ang kinakailangang dokumento.

Ayon kay Dizon, kabilang sa mga proyektong hindi naisama sa orihinal na P643.95 bilyong panukalang badyet ng DPWH ang ilang local road at flood mitigation projects dahil hindi pa kumpleto ang kanilang documentary at implementation requirements.

“Hindi lahat eh, lalong lalo na ‘yung mga local roads. Kailangan natin ‘yan eh kasi ‘yung mga national roads naman mostly ‘yan maintenance na lang at kaunti na lang ‘yan,” ani Dizon.

Binigyang-diin ni Dizon na kailangang dumaan sa mahigpit na pagsusuri ang lahat ng proyekto bago pondohan at ipatupad. Kabilang dito ang program of works, plano, pagsasama sa master plan ng mga LGU at river basin, at no-objection ng mga lokal na pamahalaan para sa flood mitigation projects.

“Walang proyekto na hindi puwedeng walang kumpletong requirements: program of works, plano, kasama dapat sa master plan ng mga LGUs and kasama din sa master plan ng mga river basins natin lalo na kung iyan ay flood mitigation. Kailangan ‘yan may no objection sa mga LGU kasi ayaw na natin maulit ‘yung hindi coordinated ang mga proyekto sa mga LGU,” dagdag ni Dizon.

Noong Oktubre 1, inirekomenda ng Budget Amendments Review Sub-Committee (BARSC) ng House Committee on Appropriations ang karagdagang P11.49 bilyon para sa DPWH, na higit kalahati ay ilalaan sa national road projects. Kailangan pa itong aprubahan ng buong Appropriations Committee at ng House plenary.

Samantala, hiniling ni ACT Teachers Rep. at Deputy Minority Leader Antonio Tinio ang buong pagsisiwalat ng mga project list, proponents, batayan ng alokasyon at pinagmumulan ng pondo.

Ayon kay Tinio, kabilang sa P116.32 bilyong amendments ng BARSC ang P77.86 bilyong tinawag niyang “pork-type amendments,” na kinabibilangan ng DPWH capital outlay, Local Government Support Fund, farm-to-market roads, health facilities, MAIFIP, TUPAD at AICS.

Iginiit din ni Tinio na hindi itemized ang P11.49 bilyong DPWH institutional amendments at may ilang road at convergence projects na iniharap nang walang tinukoy na proyekto o lokasyon. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here