MANILA, Philippines — Itinuwid ng Department of Health (DOH) ang ilang maling paniniwala tungkol sa suicide kasabay ng paggunita ng Suicide Prevention Month ngayong Setyembre.
Sa isinagawang “Mindful Media: Capacity Development on Responsible Reporting and Ethical Portrayal of Suicide” sa Quezon City nitong Lunes, binigyang-diin ng DOH ang kahalagahan ng responsable, maingat at evidence-based na pagtalakay sa suicide.
Ayon sa DOH, hindi totoo na ang pakikipag-usap tungkol sa suicide sa isang taong nasa panganib ay maaaring mag-udyok dito. Sa halip, ang bukas na pag-uusap ay maaaring makatulong upang matukoy ang mga posibleng suporta at paraan upang maiwasan ang suicide.
Nilinaw din ng ahensya na hindi lahat ng taong nakararanas ng suicidal thoughts ay determinado nang mamatay. Maaari silang makaranas ng pag-aalinlangan at ang pagkakaroon ng sapat na suporta ay maaaring makatulong.
Sinabi ni Jason Roque, officer-in-charge division chief ng DOH Health Promotion Bureau, na may mga warning signs na maaaring makita sa sinasabi, nararamdaman at ikinikilos ng isang tao, kabilang ang matinding kawalan ng pag-asa, matinding lungkot, pagbabago ng mood, pagkawala ng interes at paglayo sa karaniwang gawain at ibang tao.
Iginiit din ng DOH na ang heightened suicide risk ay maaaring panandalian at nakaugnay sa partikular na sitwasyon, gaya ng problema sa relasyon, pinansyal na suliranin, conflict, sakuna, karahasan, abuso at pagkawala ng mahal sa buhay.
Hindi rin umano nangangahulugan na lahat ng taong may suicidal behavior ay may mental disorder, dahil maraming salik ang maaaring magdulot ng matinding distress.
Binigyang-diin pa ng DOH na komplikadong usapin ang suicide at hindi ito dapat ipaliwanag sa simpleng dahilan lamang.
Hinimok din ng ahensya ang publiko at media na gumamit ng mas sensitibong mga termino, gaya ng “died by suicide” sa halip na “committed suicide,” at “suicide attempt” sa halip na “failed” o “successful” attempt. RNT