MANILA, Philippines – Upang mapunan ang kakulangan sa bakuna laban sa pertussis, ang Department of Health ay gumagawa na ng mga pamamaraan para makakuha ng karagdagang pentavalent vaccines.
Sa Kapihan sa Manila Bay forum, sinabi ni Health secretary Teodoro Herbosa, na nasa tatlong milyon doses ng DPT vaccine ang kanilang kukunin mula sa Serum Institute of India.
Ayon pa sa kalihim, nauna na silang umorder ng nasa apat na milyong doses ng Pentavalent vaccine mula sa nasabing bansa pero aabutin ng 120 araw bago ito dumating o posibleng sa Hulyo pa ito makuha.
Ito ay kasunod ng pahayag ng kalihm kamakailan na may kakulangan sa suplay ng bakuna laban sa pertussis at aabot na lamang ito ng hanggang Mayo.
Sinabi pa ng kalihim, agad nilang ipoproseso ang certificate of product registration mula sa Food and Drugs Administration para magamit agad ang nasa tatlong million doses ng DPT vaccines para sa mga bata.
Dagdag pa ng kalihim, importante na mabakunahan kaagad ang mga bata upang maiwasan na tamaan ng pertussis lalo na’t 49 na mga bata ang nasawi.
Target naman nila na mabakunahan ng mga bakuna kontra pertussis ay mga bata na nasa limang taong gulang pababa at ilan sa mga babagsakan ng suplay ng DOH ang National Children Hospital, Philippine Childrens Hospital at East Avenue Medical Center.
Samantala, aktibo namang sinusuportahan ng Watson ang DOH sa pagsisikap nito na labanan ang pagtaas ng mga kaso ng pertussis sa bansa.
Habang kumakalat ang sakit sa ilang mga rehiyon, ang Watson ay nag-aambag sa inisyatiba sa pamamagitan ng pag-aalok ng mga bakunang pertussis sa mga walk-in na customer sa mga piling tindahan.
Inaalok ang mga bakuna sa batayan ng first-come-first-served at limitado lang ang mga stock.
Ang insiyatiba na ito ay naglalayong pigilan ang pagkalat ng sakit. Magiging available ang mga bakuna para sa walk-in sa mga piling tindahan ng Watsons. Jocelyn Tabangcura-Domenden