Home METRO DOH nag-isyu ng ‘Code White Alert’ para sa Undas

DOH nag-isyu ng ‘Code White Alert’ para sa Undas

MANILA, Philippines- Inilagay na ng DOH-Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) sa “code white alert” ang mga ospital at health facilities bilang paghahanda para sa Undas 2024.

Ipinaliwanag ni DOH assistant secretary, Dr. Ariel Valencia na ang taunang safety protocol ay nilalayong agad na makatugon ang regional health workers sa mga emerhensiya.

Sa pahayag ng DOH-Calabarzon Health Education and Promotion Unit sa Facebook page nito, asahan na umano ang mataas na bilang ng indibidwal na magtutungo sa sementeryo at kailangang pangalagaan ang kalusugan lalo na at nagpapatuloy ang pag-ulan.

Ang “code white alert” ay nagpapahiwatig na ang lahat ng mga ospital at pasilidad ng kalusugan ay nakahanda upang pangasiwaan ang mga emerhensiya at magbigay ng mahahalagang serbisyong pangkalusugan. Ang alertong ito ay magkakabisa sa Nob. 1 at 2.

Pinapayuhan ng mga opisyal ng kalusugan ang publiko na isagawa ang wastong paghawak ng pagkain para sa kaligtasan at maiwasan ang pagdadala ng mga pagkaing madaling masira.

Inirerekomenda rin ang pagiging maingat sa pagkain na maaaring inihanda sa hindi malinis na mga kondisyon.

Hinihikayat naman ang publiko na uminom ng maraming tubig upang manatiling hydrated, magsuot ng maaliwalas na kulay at maluwag na damit upang makatulong sa pagkontrol ng temperatura ng katawan, at magpahid ng insect repellent sa katawan.

Pinayuhan din ang publiko na panatilihin ang distansya mula sa mga inuubo o bumabahing upang maiwasan ang panganib sa kalusugan at laging maghugas ng kamay na may sabon, tubig at gumamit nga hand sanitizer.

Hinimok ni Valencia ang mga magulang na iwasang magdala ng mga bata sa mga mataong lugar. Jocelyn Tabangcura-Domenden