Home NATIONWIDE DOH nagbabala sa lalo pang pagsirit ng dengue cases sa tag-ulan

DOH nagbabala sa lalo pang pagsirit ng dengue cases sa tag-ulan

MANILA, Philippines – Nagbabala ang Department of Health (DOH) na maaring sumirit ang dengue cases sa pagsisimula ng tag-ulan.

Habang naghahanda ang bansa para sa tag-ulan, pinayuhan ng DOH ang publiko at mga lokal na pamahalaan na paigtingin ang kanilang pagsisikap sa pagkontrol ng lamok, na binibigyang-diin ang kahalagahan ng pag-aalis ng mga lugar ng pag-aanak ng lamok bago dumating ang pag-ulan.

Bagama’t bahagyang bumaba ng 10% ang mga kaso ng dengue mula Pebrero 2 hanggang Pebrero 15, 2025 (14,163 kaso) kumpara noong Enero 19 hanggang Pebrero 1, 2025 (15,742 kaso), nababahala ang DOH na tataas ang bilang ng kaso kapag nagsimula na ang tag-ulan.

Mula Enero 1 hanggang Marso 1, 2025, mayroong 62,313 na naiulat na mga kaso, na minarkahan ng 73% na pagtaas mula sa parehong panahon noong nakaraang taon. Ang pinakamataas na bilang ay nakita sa CALABARZON, NCR, at Central Luzon.

Hinikayat ng DOH ang publiko na gumawa ng mga hakbang upang mabawasan ang pagkakaroon ng lamok at maiwasan ang pagkalat ng dengue.

Upang labanan ang pagkalat ng dengue, ipinagpapatuloy ng DOH ang kanilang kampanyang “Alas Kwatro Kontra Mosquito”, na hinihikayat ang mga komunidad na magsanay — Taob, Taktak, Tuyo, Takip — upang maalis ang stagnant na tubig at maiwasan ang pagdami ng lamok.

Ang mga local government unit , mga health workers, at mga boluntaryo ay aktibong nagtutulungan sa paglilinis at pag-secure ng mga lugar na maaaring pamugaran ng mga lamok.

Pinaalalahanan ng DOH ang publiko na maging maingat lalo na sa pasisimula ng tag-ulan at ipagpatuloy ang pagpuksa sa breeding sited upang maiwasan ang peligro ng dengue outbreak. Jocelyn Tabangcura-Domenden