Home NATIONWIDE DOH nagbukas ng wellness center sa loob ng mall sa Tacloban

DOH nagbukas ng wellness center sa loob ng mall sa Tacloban

234
0

MANILA, Philippines – Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gawing mas madaling maabot ng publiko ang serbisyong pangkalusugan, binuksan ng Department of Health (DOH) ang kauna-unahang mall-based wellness center sa Eastern Visayas.

Sa isang press briefing sa Palasyo nitong Biyernes, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang bagong DOH wellness center ay makapagbibigay ng libreng mahahalagang serbisyong medikal sa mahigit 1,000 katao kada buwan.

“GoodNews sa mga kababayan natin sa Leyte. Bukas na sa publiko ang wellness center ng Department of Health simula kahapon. Kaya nitong maghatid ng dekalidad na serbisyong medikal sa mahigit isang libong katao kada buwan,” ani Castro.

Ang DOH wellness clinic na matatagpuan sa Robinsons North Tacloban sa Abucay, Tacloban City ay bukas mula Lunes hanggang Linggo, alas-10 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi.

Nag-aalok ito ng libreng primary care services kabilang ang medical consultations, adult medicine at laboratory services, obstetrics at gynecology, pediatrics, ophthalmology, vision screening, gayundin ang wellness at nutrition services.

Binigyang-diin din ni Castro ang paninindigan ng administrasyong Marcos na mas marami pang Pilipino ang makinabang sa zero balance billing policy.

Binanggit niya ang isang kamakailang kaso kung saan ang PhP600,000 na gastusing medikal ng isang pasyenteng may coronary artery disease ay sinagot nang buo ng programa ng pamahalaan.

“Gaya ni Tatay Samuel, marami nang Pilipino ang nakinabang sa libreng pagpapagamot sa ilalim ng zero balance billing… Dahil sa Bagong Pilipinas, talagang bawat buhay ay mahalaga,” ani Castro.

Nauna nang sinabi ni Castro na mahigit isang milyong Pilipino na ang nakinabang sa zero balance billing policy sa loob lamang ng apat na buwan matapos ipag-utos ni Pangulong Marcos ang pinaigting na pagpapatupad nito sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address.

Tinitiyak ng naturang polisiya na ang mga pasyenteng na-admit sa basic o ward accommodation sa mga ospital na pinapatakbo ng DOH ay ganap na masasagot ang lahat ng gastusing medikal. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here