MANILA, Philippines – Habang papalapit ang Pasko, nagpapaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko na maging maingat sa pagkain at kaligtasan sa kalsada, lalo na sa holiday rush.
Ayon kay Director Lester Tan sa Ligtas Christmas sa Valenzuela City, nakatuon ang kampanya ngayong taon sa malusog na pagkain, ligtas na biyahe, at tamang pagdiriwang ng Bagong Taon. Pinayuhan niya ang publiko na iwasan ang sobrang pagkain ng matatamis, maalat, mamantika at mataba.
Sa datos ng MM-CHD noong huling quarter ng 2024, mahigit 50,000 na adults ay nasa panganib sa hypertension, 16,000 ay may diabetes, at 110,000 ang may obesity.
Ang subkampanyang Biyahealthy ay nagtuturo ng ligtas na pagbiyahe, kabilang ang pag-check ng sasakyan at pag-iwas sa alkohol kung magmamaneho, bilang tugon sa pagtaas ng aksidente sa kalsada tuwing Kapaskuhan.
Ang dating kampanyang Iwas Paputok ay ngayon bahagi na ng tatlong subkampanya, matapos naitala noong 2024 ang 422 insidente ng injuries mula sa paputok, 31% mas mataas kaysa sa nakaraang taon.
Pinagsisikapan din ng DOH kasama ang ibang ahensya ng gobyerno na tiyakin ang kaligtasan ng mga Pilipino sa pagdiriwang at biyahe ngayong holiday season. RNT/MND