Home NATIONWIDE DOH nakaalerto sa mga biyaherong boboto

DOH nakaalerto sa mga biyaherong boboto

MANILA, Philippines- Naglagay ng mga istasyon sa mga expressway at iba pang mga pangunahing lansangan ang mga road emergency team habang libo-libong Pilipino ang naglalakbay sa mga probinsya upang bumoto para sa midterm elections sa Mayo 12.

Sinabi ng Department of Health (DOH) nitong Sabado na ang mga health post ng iba’t ibang ospital ay nakaset-up sa North Luzon Expressway (NLEX) at South Luzon Expressway (SLEX) upang tumugon sa mga medikal na emerhensiya at aksidente.

Sinabi ni DOH Secretary Teodoro Herbosa sa isang news release na handang umaksyon ang DOH na nakatoka sa health posts ng expressway sakaling magkaroon ng medical emergency.

Sa kaso ng mga emergency sa kalusugan, maaaring makipag-ugnayan ang publiko sa Emergency 911 o sa DOH Hotline 1555 (Press 2).

Ang emergency team ng DOH sa kahabaan ng NLEX at SLEX ay mga responder mula sa East Avenue Medical Center, Dr. Jose Fabella Memorial Hospital, Quirino Memorial Medical Center, Amang Rodriguez Memorial Medical Center, Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center, Batangas General Hospital, Joni Villanueva General Hospital, Jose B. Lingad Memorial General Hospital, Las Piñas General Hospital and Satellite Trauma Center, Valenzuela Medical Center, Dr.Jose N.Rodriquez Memorial Hospital at Philippine Heart Center.

Bukas, araw ng botohan, ay maglalagay din ang DOH ng mga health post sa mga polling center para magbigay ng serbisyong medikal at pangunang lunas sa publikong bumoboto.

Itinaas ng DOH ang Code White noong Mayo 11 hanggang 14 para sa pinabuting koordinasyon ng mga pasilidad pangkalusugan sa buong bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden