SINABI ng Malakanyang na pinalawak ng Department of Health (DOH) ang HIV/AIDS testing at prevention efforts nito habang patuloy na tumataas ang bilang ng mga tao na mayroong HIV (PLHIV) sa Pilipinas.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na umaakto ang DOH base sa updated global na tinatantiya mula sa Joint United Nations Program on HIV/AIDS (UNAIDS).
Bilang tugon sa lumalagong kaso, sinabi ni Castro na pinalawig ng DOH ang access nito para sa buong bansa.
“Nakausap po mismo natin ang pamunuan ng DOH at sinasabi nila na, based sa UNAIDS 2024 global HIV data, may estimate na population po tayo na 217,700 people living with HIV at may 30,800 annual new cases,” ang winika ni Castro.
“Sa ngayon po ay pinapalawak ng DOH ang testing sa lahat ng mga BUCAS centers at pinapapasok na rin po sa bawat primary care facility sa pamamagitan ng pagrerepaso ng YAKAP,” aniya pa rin.
Tinuran ni Castro na ang DOH ay kumuha ng pre-exposure prophylaxis, na makatutulong para mapigilan ang transmission.
Sa kabilang dako, makikita sa data mula sa DOH Epidemiology Bureau na may 550% ang itinaas sa bagong HIV infections mula 2010 hanggang 2024, partikular na sa mga nasa edad na 15 hanggang 24.
Mayroong 22% ang itinaas na kumpirmadong HIV-positive cases mula July hanggang September ngayong taon, na may 5,583 indibiduwal ang naitala, kumpara sa 4,595 na kaso na naitala sa kahalintulad na quarter noong nakaraang taon.
Ang mga rehiyon na may pinakamataas na naitalang impeksyon ay ang Metro Manila, Calabarzon, Central Luzon, Central Visayas, at Davao Region, na may 61% o 3,408 ng kabuuang kaso.
Binigyang-diin ni Castro ang pangangailangan para sa mas malawak na public awareness ng responsableng gawi at ang panganib ng “unsafe sexual practices.”
“Mas maganda po talaga na mas malalim na pagbibigay-impormasyon sa publiko ang maaari nilang sapitin kapag hindi sila responsable sa kanilang mga aksyon,” aniya pa rin.
“Daily case detection averaged 61 cases per day, higher than last year’s third-quarter average of 51 cases per day,” ayon sa DOH data.
“Of the newly confirmed infections this quarter, 5,299 or 95 percent were men, while 282 or 5 percent were women. Cases ranged from 1 year to 73 years, with a median age of 27,” ayon naman sa ulat.
Samantala, pinalawak ng Philippine Health Insurance Corp. ang outpatient care package nito para sa PLHIV, nag-aalok ng mas mataas na financial coverage at pinalakas ang ‘confidentiality safeguards.’ (KRIS JOSE)