Home NATIONWIDE DOH sa mga iskul: Sa gitna ng mainit na panahon, kondisyon ng...

DOH sa mga iskul: Sa gitna ng mainit na panahon, kondisyon ng mga mag-aaral isaalang-alang

Larawan kuha ni Danny Querubin

MANILA, Philippines- Hinimok ng Department of Health (DOH) ang mga eskwelahan na isaalang-alang ang kondisyon ng mga mag-aaral at tukuyin kung maari silang pumasok sa face-to-face classes dahil sa sobrang init ng panahon.

Sinang-ayunan ni DOH Undersecretary Eric Tayag ang hakbang ng mga eskwelahan at lokal na pamahalaan na magsuspinde ng in-person classes at pansamantalang magpatupad ng alternatibong paraan ng pagtuturo.

Pinayuhan ni Tayag ang mga paaralan na magbukas ng bintana at hinimok ang mga mag-aaral na uminom ng maraming tubig upang hindi sila ma-dehydrate.

Umaasa rin ang DOH na mayroong maayos na bentilasyon ang mga paaralan.

Sinabi rin ni Tayag na habang kadalasan ang heat stroke sa mga nakatatanda partikular sa mga may sakit, ang mga bata ay maari ring makaranas nito.

Nagbabala si Tayag na ang heat stroke ay nakamamatay kapag ang biktima ay hindi nakatanggap ng agarang lunas o hindi madala agad sa pinakamalapit na ospital.

Sa kanilang health advisory, ipinaalala ng DOH ang mga sumusunod na first-aid tips sakaling makaranas ng heat stroke ang isang tao:

  • ilipat ang indibidwal sa mas malamig o malilim na lugar

  • alisin ang damit na nakadaragdag ng init sa katawan

  • maglagay ng cold compress sa kili-kili, leeg, likod at singit

  • pagbabarin ang indibidwal sa malamig na tubig kung kinakailangan. Jocelyn Tabangcura-Domenden