Home NATIONWIDE DOH sa mga residente malapit sa bulkang Kanlaon: Magsuot ng face mask,...

DOH sa mga residente malapit sa bulkang Kanlaon: Magsuot ng face mask, safety goggles

MANILA, Philippines- Pinayuhan ng Department of Health (DOH) ang mga residente sa mga lugar na apektado ng pagputok ng bulkang Kanlaon na magsuot ng face masks at safety goggles upang protektahan ang kanilang sarili mula sa panganib dala ng ashfall.

Ayon kay DOH spokesperson Assistant Secretary Albet Domingo, ang ideal na face mask na makatutulong para protektahan ang baga mula sa maliliit na bahagi ng ashfall ay ang N95 ngunit maaari ring gumamit ang mga tao ng alternatibo tulad ng medical masks o tela na pwedeng basain at itakip sa ilong at bibig.

Ang Kanlaon sa Negros Island ay pumutok noong Martes ng umaga. Nananatili naman ito sa Alert Level 3, na nagpapahiwatig ng tumitindi o magmatic unrest.

Naiulat ang ashfall sa Negros Occidental kasunod ng pagsabog, kabilang ang Barangay Sag-Ang sa La Castellana; Barangay Yuno at Ara-al sa La Carlota; gayundin ang Bago City.

Nanawagan din ang DOH sa mga residente na may dati nang medical conditions o mga nahihirapan sa paghinga na sumunod sa panawagan ng mga awtoridad at lumikas kung kinakailangan. Jocelyn Tabangcura-Domenden