MANILA, Philippines – Wala nang hiwalay na resolusyon ang korte na naglabas ng arrest warrant laban sa negosyanteng si Charlie ‘Atong’ Ang, ayon sa Department of Justice (DOJ).
Paliwanag ni DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, hindi na kailangan ang hiwalay na resolusyon ang Regional Trial Court Branch 26 para ipaliwanag ang naging basehan nito sa pag-isyu ng warrant of arrest.
Nangangahulugan na sumasang-ayon ang hukom ng korte sa resolusyon ng kagawaran na nagrerekomendang kasuhan si Atong Ang.
Base aniya sa Rules of Court, kinakailangang magsagawa ng masusing pagsusuri ang hukom sa kaso batay sa resolusyon ng DOJ–National Prosecution Service pero karaniwan nang hindi na naglalabas ng detalyadong paliwanag ang korte sa ganitong mga desisyon.
Sa ilalim din ng batas, sinabi ng DOJ na mas mataas ang antas ng ebidensiya na kailangang ipakita ng prosekusyon para maisampa ang kaso sa korte na tinatawag na prima facie evidence with reasonable certainty of conviction.
Samantala, probable cause lamang at may sapat na basehan para maniwala na may nagawang krimen at may taong sangkot dito ang kailangang makita ng korte para maglabas ng warrant of arrest. Jocelyn Tabangcura-Domenden