Home HOME BANNER STORY DOJ, DOF naka-4-day onsite workweek; alituntunin inilatag ng DILG

DOJ, DOF naka-4-day onsite workweek; alituntunin inilatag ng DILG

181
0

MANILA, Philippines — Ilang ahensya ng pamahalaan ang nagpatupad ng apat na araw na onsite workweek kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magpatupad ng energy conservation measures sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis dulot ng sigalot sa Middle East.

Inanunsyo ng Department of Justice (DOJ) na papasok onsite ang support personnel mula Lunes hanggang Huwebes, alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon, habang mandatoryong work-from-home ang mga empleyado tuwing Biyernes. Mananatiling bukas ang frontline services mula Lunes hanggang Biyernes sa pamamagitan ng staggered shifts upang matiyak ang tuloy-tuloy na serbisyo sa publiko.

Ayon kay DOJ Secretary Fredderick Vida, inaasahang makatitipid ng humigit-kumulang 20,142 kilowatt-hours ng kuryente bawat buwan sa ilalim ng bagong work arrangement.

“The DOJ stands committed to energy conservation while upholding our mandate to deliver swift and accessible justice,” ani Vida.

Nagpatupad din ng apat na araw na onsite workweek ang Department of Finance (DOF), kung saan papasok ang mga empleyado mula Lunes hanggang Huwebes habang work-from-home naman tuwing Biyernes bilang bahagi ng energy-saving measures ng pamahalaan.

Nauna nang iniutos ni Pangulong Marcos sa mga national government agencies at government-owned and controlled corporations na bawasan ng 10% hanggang 20% ang konsumo sa kuryente at fuel.

Samantala, naglabas ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng mga alituntunin para sa pagpapatupad ng nasabing work arrangement sa kanilang central, regional, at field offices.

Kinakailangang magtrabaho ng 10 oras kada araw ang mga empleyado onsite mula Lunes hanggang Huwebes sa ilalim ng flexitime scheme na may reporting time sa pagitan ng alas-7 hanggang alas-8 ng umaga at dismissal time mula alas-6 hanggang alas-7 ng gabi.

Nilinaw ng DILG na ang mga tanggapan na nagbibigay ng mahahalagang serbisyo—kabilang ang may kinalaman sa kalusugan, public safety, at emergency preparedness at response—ay dapat manatiling ganap na operational habang nagpapatupad ng mga hakbang sa pagtitipid ng enerhiya.

Hindi papayagan ang overtime mula Lunes hanggang Huwebes, habang ang trabaho tuwing Biyernes o Sabado ay kailangan munang aprubahan ng mga opisyal ng departamento.

Bahagi ang hakbang na ito ng mas malawak na pagsisikap ng pamahalaan upang tugunan ang pagtaas ng presyo ng langis na dulot ng pagkaantala sa shipment ng petroleum products sa Strait of Hormuz, isang mahalagang oil export route na nag-uugnay sa mga pangunahing producer ng langis tulad ng Saudi Arabia, Iran, Iraq, at United Arab Emirates sa Gulf of Oman at Arabian Sea. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here