MANILA, Philippines – Binabantayan ng Department of Justice (DOJ) ang galaw ni dating DPWH Secretary Manuel Bonoan sa Estados Unidos matapos maiulat na nakalabas na ng bansa.
Sa ilalim ng Lookout Bulletin Order, si Bonoan ay hindi maaaring pigilan na lumabas ng bansa, ayon kay DOJ spokesperson Atty. Polo Martinez.
Sa kabila nito, tiniyak ng DOJ na bantay-sarado at patuloy ang kanilang pagbabantay kasama ang Bureau of Immigration sa travel history nito.
Paliwanag pa ni Atty. Martinez, mapipigilan lamang ang isang mamamayan na lumabas ng bansa kapag ito ay may pending cases at Hold Departure Order (HDO).
Sa ulat, kinumpirma ng BI na nakalabas na ng bansa kahapon, Nobyembre 11 si Bonoan at agad itong ipinaalam sa DOJ.
Inaasahan na babalik sa bansa ang dating kalihim sa Disyembre 17 matapos nitong samahan ang kanyang asawa sa isang medical procedure sa Estados Unidos. Jocelyn Tabangcura-Domenden