Home NATIONWIDE DOJ humirit ng konti pang panahon sa kaso nina Teves, Bantag

DOJ humirit ng konti pang panahon sa kaso nina Teves, Bantag

MANILA, Philippines- Konting pasensya pa.

Ito ang panawagan sa publiko ng Department of Justice (DOJ) kaugnay sa kaso nina dating Congressman Arnolfo “Arnie” Teves Jr. at dating Bureau of Corrections chief Gerald Bantag.

Mistulang inamin ni DOJ Spokesperson Mico Clavano ang mabagal na pag-usad sa kaso nina Teves at Bantag.

Ayon kay Clavano, nais lamang matiyak ng kagawaran na sinusunod nito ang tamang proseso at maibigay sa mga respondent ang due process upang hindi masilipan ng butas ang gobyerno.

Sa kaso aniya ni Teves, hinihintay pa ng Philippine government ang desisyon ng korte sa Timor Leste kaugnay sa kahilingan na extradition laban kay Teves.

Sinabi ni Clavano na sa kaso ni Bantag ay patuloy pa rin ang manhunt operation.

“The wheels of justice, they grind slowly but they grind very finely so we just have to stay patient,” ani Clavano.

Si Teves ay akusado sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at siyam na iba pa.

Si Batag ay itinuturing namang mastermind sa pagpatay sa radio broadcaster na si Percy Lapid. Teresa Tavares