Home NATIONWIDE Mga parak na nakipag-ugnayan sa ICC sa drug war posibleng maparusahan –...

Mga parak na nakipag-ugnayan sa ICC sa drug war posibleng maparusahan – PNP

MANILA, Philippines- Maaaring maparusahan ang mga pulis na nakipag-ugnayan sa International Criminal Court (ICC) ukol sa crime against humanity case laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Huwebes.

“Obviously, kung ikaw ay isang active personnel at you are performing any activities that is contrary to what is being stated officially ng PNP, posible na may kaharapin pong sanction ang sinumang pulis na hindi po susunod sa tinatawag na chain of command,” pahayag ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo sa isang press briefing.

Ani Fajardo, dapat munang humingi ng permiso ng police officers mula sa mga mas nakakataas.

“This also follows ‘yung mga ordinaryong pulis natin na bago po iyan magsagawa ng operation ay nagpapaalam po ‘yan sa kanilang mga immediate supervisor,” sabi ng opisyal.

“So we observe ‘yung aming tinatawag na command line, ‘yun ‘yung hindi dapat natin naba-violate po,” dagdag niya.

Nitong Miyerkules, sinabi ni dating senador Antonio Trillanes IV na nakausap ng ICC ang mahigit 50 aktibo at dating police officials na sangkot sa crime against humanity case laban kay Duterte.

Binanggit ni Trillanes, isa sa mga indibidwal na nagsusulong ng interbensyon ng ICC sa drug war ni Duterte, ang isang “highly credible information.”

“The ICC investigators have already directly communicated with more than 50 active and former PNP officials regarding their being implicated in the crimes against humanity case of Rodrigo Duterte at the ICC,” aniya.

Sakaling hindi maghayag ang concerned police officials ng intensyong makiisa, sinabi ni Trillanes na ituturing silang “suspects” sa kaso, na pagbabawalang bumiyahe, at aarestuhin ng INTERPOL.

“This means that if they do not immediately signify their intention to cooperate with the investigators, their status would be elevated to being suspects and, therefore, would result to travel restrictions initially and eventually arrest via Interpol,” wika niya.

Iginiit ni Fajardo na walang impormasyon ang PNP upang kumpirmahin kung nakipag-ugnayan nga ang kaukulang mga pulis sa ICC.

“Ako po personally ay nagtanong sa mga directorates po natin at wala pong information ‘yung ating mga directorates concerning po dito sa mga alleged active PNP personnel na nakikipag-tulungan po sa ICC,” anang opisyal.

“At nabanggit ko na rin po ito kay Chief PNP at inaalam po natin kung saan po at hindi po natin alam kung ano po ‘yung source ni former senator Trillanes,” patuloy niya.

Nauna nang sinabi ni Fajardo na hihintayin ng police organization ang kautusan nag national government ukol dito.

Binigyang-diin niya na may sariling working judicial system ang bansa upang tugunan ang mga ulat ng pang-aabuso at iregularidad ng PNP personnel. RNT/SA