MANILA, Philippines – “Kung sino man ang mahuli, siya ang mahuhili.”
Ito ang inihayag ng Department of Justice (DOJ) kasabay ng paglilinaw na wala itong priority list sa mga tinutugis na high-profile fugitives.
Sinabi ni DOJ spokesperson Mico Clavano na kahit patuloy na nakatatangap ang mga awtoridad ng impormasyon sa kinaroroonan ng ilang partikular na high-profile suspects, nakasentro ang DOJ sa paghahabol sa lahat.
“We are working on a lot of intelligence on fugitives from justice. Pero di lang naman sila high-profile fugitives ang hinahanap ng Department of Justice, although syempre ‘yung cases nila umabot na sa national significance. It does not stop us from looking for all the fugitives out there who need to be brought to justice,” ani Clavano.
Kabilang sa mga pugante na itinuturing na high-profile ay si dating Bureau of Corrections chief Gerald Bantag, na sangkot sa pagpatay sa journalist na si Percy Lapid noong 2022.
Samantala, naipaalam na sa gobyerno ng Netherlands ang nakabinbin na kaso dito sa Pilipinas ni dating presidential spokesperson Harry Roque. TERESA TAVARES