MANILA, Philippines – Nagkaisa ang Department of Justice (DOJ) at siyam na alkalde sa Metro Manila upang palakasin ang pagtutulungan sa pagprotekta sa mga bata laban sa pang-aabuso at pagsasamantala.
Pinangunahan ni Justice Secretary Fredderick Vida ang pulong kasama sina Undersecretaries Anika Gran-Ong, Nicholas Felix Ty at Ian Norman Dato. Dumalo rin si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag at mga kinatawan ng Committee for the Special Protection of Children.
Sentro ng talakayan ang Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) at Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM), at ang pagbuo ng magkakaugnay na solusyon at programa upang labanan ang mga ito.
Tinalakay rin ang mga dahilan kung bakit nahihirapang magsumbong ang mga biktima, kabilang ang takot, kakulangan ng impormasyon at kawalan ng kaalaman kung saan at paano mag-uulat.
Bilang tugon, iminungkahi ng National Coordinating Council Secretariat sa mga lokal na pamahalaan na bumuo ng task force, i-update ang mga ordinansa, gamitin ang National Strategic Plan at ipatupad ang binagong protocol upang mapahusay ang koordinasyon ng mga ahensya.
Binigyang-diin ng DOJ ang mahalagang papel ng mga lokal na pamahalaan dahil sila ang unang nilalapitan ng mga biktima at kanilang pamilya. Kaya kailangang magkaroon ang bawat lungsod ng malinaw, mabilis at ligtas na sistema ng pag-uulat at pagsangguni sa mga kinauukulang ahensya. Jocelyn Tabangcura-Domenden