Home NATIONWIDE DOJ, NBI: Online ‘groomers’ posibleng nasa likod ng school violence

DOJ, NBI: Online ‘groomers’ posibleng nasa likod ng school violence

1
0

MANILA, Philippines – Nakaharap ang mga awtoridad sa isang malawak at mahirap tukuying problema kaugnay ng tumitinding karahasan sa mga paaralan, kabilang ang dalawang deadly school shooting sa nakalipas na dalawang buwan.

Sa budget hearing ng House Committee on Appropriations kasama ang Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) noong Agosto 24, sinabi ng mga opisyal na may mga “groomers” sa online games at ilang group chat na umano’y naghihikayat ng karahasan sa mga kabataan.

Ayon kay DOJ Secretary Frederick Vida, iniimbestigahan pa ang mga naturang grupo at mino-monitor na ito ng mga awtoridad. Aniya, may mga kabataang iniimbitahang sumali sa hiwalay na chat rooms matapos makipaglaro online, kung saan umano’y may mga groomer na nagpapataas sa antas ng karahasan at paghahangad ng mas maraming puntos.

“This has been conveyed and relayed to our law enforcement agencies…yung mga naglalaro po, yun pong mga anak natin o yung nagpa-particpate sa games, mayroon invitation sa kanila to join a separate chat room na kung saan ang nakikita po nating pattern, may mga groomers po na tinatawag doon where they are enhanced, yung level of violence, yung level of getting more points,” ani Vida.

Sinabi ni Vida na patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang “exact extent and exact motivation” ng mga groomer.

Kaugnay ng shooting sa San Jose National High School sa Tacloban City noong Hunyo 22, sinabi ni Vida na na-indict na ang may-ari ng baril dahil sa criminal negligence.

Ang dalawang suspek sa Tacloban, edad 14 at 15, ay nakakuha umano ng .9 pistol at .38 revolver at nakapatay ng tatlong kapwa menor de edad bago sila napasuko.

Samantala, sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na hindi itinuturing na isolated case ang insidente sa Tacloban. Mas nakababahala umano ang natuklasang mga group chat na nagpaplano at “nagsi-schedule” ng mga pag-atake.

“As early as doon sa event ng Tacloban, we see that it is not an isolated case but it is designed na ganyan talaga na gagawin nila. And we monitored that mayroon pa silang mga naka-schedule sila na mga previous attacks in the coming months,” saad ni Matibag.

“In fact there is a group chat na mayroon sila na we used to monitor pero nag-disband sila,” dagdag niya.

Nangyari ito bago ang Agosto 18 shooting sa Ateneo de Zamboanga University, kung saan isang Grade 9 student ang nakapatay ng kapwa estudyante bago nagpakamatay.

Bilang bahagi ng pagtugon, makikipagpulong ang mga kinatawan ng Pilipinas sa Meta sa Singapore sa Agosto 26 upang talakayin ang mga online group na mino-monitor ng mga awtoridad.

Kasama sa delegasyon ang mga kinatawan mula sa Department of Information and Communications Technology (DICT), Office of the Executive Secretary, Office of the House Speaker, at NBI. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here