Home NATIONWIDE Agarang pagsasabatas ng School Safety Act vs school shooting, hirit ni Bam

Agarang pagsasabatas ng School Safety Act vs school shooting, hirit ni Bam

1
0

MANILA, Philippines – Iginiit ni Senador Bam Aquino ang kahalagahan ng agarang pagsasabatas ng kanyang Comprehensive School Safety Act upang matugunan ang mga usapin sa kaligtasan sa mga paaralan at mapalakas ang mga hakbang sa seguridad kasunod ng mga insidente ng school shooting sa Tacloban at Zamboanga.

Sa kanyang manifestation, nanawagan si Aquino sa mga kapwa mambabatas na suportahan ang agarang pagpasa ng Senate Bill No. 2390, o ang Comprehensive School Safety Act, na layong magpatupad ng mahahalagang hakbang para sa mas ligtas na mga paaralan.

“Marami talagang kailangang gawin and I’m hoping we can get support for the School Safety Act. Ilagay natin doon lahat ng kinakailangan at mga magagandang ideya at isulong po natin ito,” ani Aquino, chairperson ng Committee on Basic Education.

Sinabi ni Aquino na balak niyang i-sponsor ang panukala sa Miyerkules.

Itinatakda ng panukala ang pagbuo ng School Safety Framework na magsisimula sa pambansang antas ngunit ibababa sa mga lokalidad para magkaroon ng malinaw na framework na sasaklaw sa mga paaralan, kaukulang ahensya ng pamahalaan, at komunidad.

“Maganda nga na magsimula tayo to address this as a community, mapag-usapan, mabuo itong framework na ito, malaman iyong mga protocol at maging mas klaro sa bawat sektor ng komunidad kung ano po yung role nila,” giit niya.

Layunin din nitong palakasin ang pag-iwas, pag-uulat, at pagtugon sa karahasan, bullying, cyberbullying, at iba pang banta, habang tinitiyak na mananatiling ligtas ang mga paaralan para sa mga mag-aaral at school personnel.

Inaatasan ang bawat paaralan na maghanda at taun-taong mag-update ng School Safety Plan, kung kabilang ang emergency protocol, hotline, safety infrastructure, digital safety, mga aktibidad sa labas ng paaralan, pakikilahok ng komunidad, at monitoring.

Bukod sa School Safety Act, binanggit ni Aquino ang iba pang mga panukalang batas na nasa labas ng saklaw ng Committee on Basic Education na makatutulong din para protektahan ang mga mag-aaral, guro, at iba pang school personnel laban sa karahasan at iba pang banta.

Kasama rito ang mga panukalang naglalayong higpitan ang access sa social media batay sa edad, magpatupad ng mas mabibigat na parusa sa mga taong may loose firearms, papanagutin ang mga magulang o guardian kapag nagamit sa maling paraan ang kanilang mga baril, at amyendahan ang Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) law.

Ayon kay Aquino, dapat pabilisin ang mga panukalang ito, kasama ng School Safety Act, upang matugunan ang iba’t ibang isyu na nakakadagdag sa banta sa mga mag-aaral at mga paaralan.

“It takes a community to raise a child, it also takes multiple bills and multiple reforms to try to address this issue. Aksiyunan natin, ipasa natin ang mga panukalang ito,” ani Aquino.

Bukod sa mga hakbang para sa pisikal na seguridad, binigyang-diin din ni Aquino ang kahalagahan ng pakikilahok ng komunidad kasunod ng kanyang pakikipagdayalogo sa mga mag-aaral, magulang, at opisyal ng Ateneo de Zamboanga University (AdZU).

“Having gone through and talked to the Ateneo de Zamboanga community, iyong administration, iyong mga estudyante, iyong mga magulang, nakikita ko po rin yung point ni Sen. Alan [Cayetano]. It’s not just about the security measures, talaga nagsisimula talaga ito with a community aspect,” wika niya.

Nauna nang iminungkahi ni Senate Minority Leader Alan Pete Cayetano ang pagsasagawa ng community town hall meetings sa mga paaralan, kung saan maaaring tukuyin ng mga magulang, guro, mag-aaral, religious leaders, school officials, business groups, at iba pang stakeholder ang mga problema sa kanilang komunidad at sama-samang humanap ng mga solusyon.

Sinabi ni Aquino na mahalaga ang papel ng mga magulang sa pagpigil sa paggabay at pagbibigay-pansin sa mga nararanasan at kinakaharap ng kanilang mga anak.

Hinimok din niya ang mga magulang na gamitin ang parental controls sa mga device ng kanilang mga anak upang maiwasan nilang ma-access ang mga marahas na laro at iba pang content na hindi angkop para sa mga bata.

“Nakikita po natin na kapag ang mga magulang, aktibo talaga at nakabantay sa mga nakikita ng mga anak nila, iyon ho siguro iyong pinakamalaking prevention sa mga pangyayaring ito,” sabi niya.

Nanawagan din siya para sa pagsasanay sa mga student leader at guro, gayundin sa iba pang miyembro ng komunidad, kabilang ang mga religious leader, upang matukoy nila ang mga warning sign, matugunan ang mga alalahanin, at makatulong na mapigilan ang karahasan bago pa ito mangyari.

Samantala, sinabi ni Senate President Sherwin Gatchalian na handa ang Senado na talakayin ang mga panukalang naglalayong limitahan ang access ng kabataan sa social media, at idinagdag na kinakailangang pagdebatehan ang usaping ito.  Ernie Reyes 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here