SAN JOSE DEL MONTE, BULACAN — Nauwi sa kontrobersiya ang basketball game sa Ate Rida’s Cup sa Minuyan Sports Complex noong Agosto 23, 2026, matapos ihinto ni Mayor Florida “Rida” Robes ang laban dahil sa sigaw ng mga dumalo na “Tubig! Tubig! Tubig!”, na kaugnay ng reklamo sa madalas na pagkawala ng suplay ng tubig sa lungsod.
Hinarap ni Robes ang mga dumalo at pinuna ang naturang sigawan, habang iginiit ang respeto sa kanya bilang alkalde at binanggit ang mga tulong at proyekto ng lokal na pamahalaan sa Barangay Minuyan Proper.
Naglabas naman ng pahayag ang SJDM City Youth Sports and Development Office at Sangguniang Kabataan (SK) Federation, na kumondena sa tinawag nilang “disrespectful” na asal. Gayunman, kinilala nila ang hinaing ng mga residente sa water interruptions at sinabing may “proper time, place, and way” para ito ipahayag.
Ang insidente ay nangyari habang patuloy ang water crisis sa SJDM. Noong Mayo 2026, nagsagawa ang lokal na pamahalaan ng takeover sa water system matapos ang matagal na problema sa serbisyo na nakaapekto sa mahigit 250,000 residente.
Dagdag pa rito, bumaba ang lebel ng Angat Dam sa 152.15 metro noong Hulyo 11, na nagresulta sa pagbaba ng water allocation ng SJDM mula 70 MLD tungo sa 32 MLD.
Gumawa ang lungsod ng mga hakbang upang tugunan ang krisis, kabilang ang emergency powers na ipinagkaloob kay Robes sa ilalim ng City Ordinance No. 2026-03-012.
Bagama’t may ginagawa nang mga hakbang para mapabuti ang serbisyo, patuloy pa rin ang reklamo ng ilang residente. Dahil dito, naging sentro ng debate ang “Tubig!” chant—kung ito ba ay hindi tamang pag-uugali sa isang youth event o isang paraan ng mga residente upang ipahayag ang kanilang hinaing sa pangunahing serbisyo ng lungsod.
Samantala, kinondena ng Akbayan Party ang umano’y harassment at intimidation ni Mayor Robes kay Councilor Atty. Ronalyn Pordan.
Ayon sa Akbayan, makikita sa mga kumalat na larawan at video na nilapitan, tinuro at sinigawan umano ni Robes si Pordan matapos ang “Tubig!” chant. Ayon sa mga ulat, inakusahan umano ni Robes ang konsehala na nag-udyok sa crowd, na mariin namang itinanggi ni Pordan.
Nanawagan ang Akbayan kay Robes na magpaliwanag at humingi ng paumanhin kay Pordan, at iginiit na ang pampublikong posisyon ay nangangailangan ng respeto at pananagutan, hindi pananakot o pagpapatahimik sa mga kritiko. RNT/MDS







