Home NATIONWIDE DOJ pinagsusumite ng komprehensibong ulat sa incestuous rape cases sa PH

DOJ pinagsusumite ng komprehensibong ulat sa incestuous rape cases sa PH

MANILA, Philippines- Hiniling ni Senador Nancy Binay sa Department of Justice (DOJ) na magbigay ng detalyadong ulat hinggil sa pagtaas ng bilang ng incestuous rape cases sa Pilipinas.

Ipinanawagan ito ni Binay sa ginanap na pagdinig ng Senate committee on finance sa pamumuno ni Senador Grace Poe sa badyet ng DOJ at attached agencies sa susunod na taon.

Sa naturang pagdinig, binanggit ng DOJ na umabot sa mahigit 21,423 actual rape cases na nakasampa sa 2023 ang kinasasangkutan ng incest.

Sinabi ni Binay na kailangang malaman kung ilang katao ang nahatulan sa incestuous rape, ilan ang nakabinbin na kaso at ilan ang nabubulok sa korte.

“As they say, justice delayed is justice denied,” giit ni Binay.

Ayon sa mambabatas, kailangan ng komprehensibong datos upang makatulong ang Senado sa paglikha ng batas na magtutuldok sa insidente ng incestuous rape sa bansa.

Inilatag sa pagdinig ni Justice Undersecretary Jesse Hermogenes Andre kay Binay na umabot na sa 21,423 actual rape cases ang naisampa sa korte nitong 2023.

Tiniyak din ni Andres na maraming umiiral na kaso at marami ang nahatulan sa rape cases kabilang ang incestuous rape.

“Closer collaboration between the prosecutors and law enforcement agents under the case build-up mechanism had resulted in a success rate of 94 percent of all cases for last year,” ani Andres.

Noong nakarang taon, ayon naman kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, kanyang hihilingin sa Supreme Court (SC) na magtakda ng guidelines para sa lower courts na tanggalin ang amicable settlement sa pagresolba ng incestuous rape at child abuses.

Ayon kay Remulla, maraming reklamo, partikular sa pamilya, ang naresolbahan sa pamamagitan ng amicable settlement.

Sumang-ayon si Binay kay Remulla sa pagsasabing hindi mareresolbahan ang sitwasyon at patuloy na mauulit ang kaso kapag nagkaayos.

“Kung hindi naman makukulong ang offender na nag-commit ng incest, walang kasiguruhan na mapoprotektahan ang biktima, at hindi matitigil ang pang-aabuso,” aniya.

“We have to be able to create an effective mechanism that would protect victims from sexual abuse, especially those that occur in their own homes,” giit ng mambabatas. Ernie Reyes