Home NATIONWIDE House drug war probe gagamitin ni Romualdez sa ICC vs Digong –...

House drug war probe gagamitin ni Romualdez sa ICC vs Digong – Bato

MANILA, Philippines- Malaki ang paniniwala ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na gagamitin ni House Speaker Martin Romualdez ang resulta ng imbestigasyon ng Kamara sa war on drug laban kay dating Pangulong Duterte at kaalyado nito na nasasakdal sa International Criminal Court (ICC).

Sinabi ni Dela Rosa, dating hepe ng pulisya na naglunsad ng war on drugs sa panahon ng Duterte administration, na walang ibang nasa likod ng imbestigasyon kundi si Romualdez.

“Sinong nasa likod nitong mga committee na ito ay ‘yung Speaker of the House, ‘di ba? Alam ko this is the same person na nagkumbinsi sa mga opisyal na gustong bumaliktad, mag-execute ng affidavit laban sa amin ni President Duterte para sa ICC. I am expecting na itong ginagawa ng Quad [Committee] na imbestigasyon ay pwede nila itong gamitin laban sa amin doon sa ICC,” ayon kay Dela Rosa sa phone interview nitong Biyernes.

Naunang ibinulgar ni Dela Rosa na pinangunahan ni Romualdez kasama sina dating Senador Antonio Trillanes, NICA chief Ricardo de Leon, at Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co na nakipagpulong sa ilang retirado at aktibong opisyal ng pulisya upang kumbinsihin sila na lumagda sa isang affidavit laban sa kanya at kay Duterte hinggil sa imbestigasyon ng ICC sa drug war.

Pinabulaanan ni De Leon na pinipilit nila ang ilang opisyal ng pulisya na tumestigo laban kina Duterte at Dela Rosa sa ICC.

Inihayag din ni Co na walang binanggit na pagtestigo laban sa sinuman sa ICC sa kanilang pulong kina Romualdez at Police Maj. Gen. Romeo Caramat Jr., dating hepe ng Criminal Investigation and Detection Group.

Pinaniniwalaan din ni Dela Rosa na may “nag-recruit” kay Police Colonel Jovie Espenido, na may malaking papel sa drug war, na tumestigo sa House investigation.

“Bumaliktad siya kasi may nag-recruit sa kaniya. I don’t know kung anong laman ng recruitment niya, hindi naman ‘yan basta-basta humarap doon kung walang mag-recruit sa kanya, walang magkumbinsi… halata naman,” ayon sa senador.

Sinabi ni Dela Rosa na nagsisinungaling si Espinido.

“‘Yung kanyang pagsisinungaling, tama na ‘yan sa package na ‘yan sa kanyang pagbaliktad. Ang dami niyang allegation na napaka-sinungaling eh. Eh ginagamit pa naman niya yung Bibliya para magsalita tapos puro kasinungalingan ‘yung pinagsasabi,” aniya.

Ilan sa alegasyon na inilutang ni Espinido na pinabulaanan ni Dela Rosa, ang “quota” system sa pagbisita ng 50 hanggang 100 kabahayan kada araw at reward system na kinasasangkutan ng monetary incentives sa lahat ng drug war-related operations.

Galing umano ang pabuya sa kinikita sa lehitimo at illegal gambling tulad ng POGO.

“I swear to God, I never gave any monetary consideration, any monetary reward for any accomplishment na magagawa ng PNP lalo na ‘yung sinasabi nila na kung sinong mapatay doon sa nasa narcolist ng Malakanyang ay binibigyan natin ng premyo. I never do that at hindi ako nagse-set ng quota,” ayon kay Dela Rosa.

“Kasi 2016 pag-assign ko sa kanya doon is never pa man heard ang pangalan na POGO. Hindi pa man yan sikat noon. Ako mismo ignorante pa ako kung ano ‘yang POGO at that time. So bakit ngayon iko-connect niya yan doon?” aniya pa.

Naniniwala si Dela Rosa na ang affidavit ni Espinido ay pawang “concocted, designed, and scripted to connect the problem of POGO to the supposed problem of extrajudicial killings.”

“Mukhang napakalayo at halatang designed ‘yung affidavit niya para ipagko-connect connect ‘yung mga problema ng POGO, extrajudicial killing kuno at yung ating problema sa drugs,” ayon sa senador.

Nahaharap si Espinido sa ilang kasong homicice sa pagpatay ng ilang pinaghihinalaang drug lords sa ilang operasyon ng pulisya.

Kabilang sa kontrobersyal na operasyon na kinasangkutan ni Espinido ang pagpaslang sa sinasabing “Ozamiz 9” noong Hunyo 2017 at paglusob sa tahanan ng pamilya Parajinog na ikinamatay ni Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog, kanyang asawa, kapatid at 12 pang iba.

Hepe si Espenido ng pulisya ng bayan ng Albuera, Leyte kung saan napatay si Rolando Espinosa, sa loob ng kulungan sa Baybay City noong 2016. Ernie Reyes