MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Justice na gagamitin nito ang lahat ng paraan na legal upang ipatupad ang warrant of arrest laban kay dating presidential spokesperson Harry Roque at sa iba pang sinasabing sangkot sa ilegal na POGO hub na Lucky South 99 sa Porac, Pampanga.
Sinabi ni Justice Asec. at spokesperson Mico Clavano, posibleng lumiham sila sa pamahalaan ng The Netherlands para ipaliwanag ang kasong kinakaharap ni Roque.
Maaari umanong idaan ang pagsilbi ng warrant sa pamamagitan ng Interpol.
Binigyan diin ni Clavano na mahalagang maiharap si Roque sa korte para masagot niya ang mga paratang at malatag niya ang kanyang depensa.
Magugunita na naglabas ng warrant of arrest ang Angeles, Pampanga Regional Trial Court #RTC Branch 118 laban kina Roque, Cassandra Li Ong, at siyam na iba pa para sa kasong qualified human trafficking.
Si Roque ay nananatili pa rin sa The Netherlands para sa kanyang asylum application. TERESA TAVARES