MANILA, Philippines – Nagsagawa na ng aksyon ang Philippine National Police (PNP) kauganay sa insidente sa kalsada na kinasasangkutan ng police officer sa Maynila.
Sinabi ni PNP Chief General Rommel Francisco Marbil sa kanyang pahayag nitong Biyernes, Mayo 16, kanya nang inatasan ang Integrity Monioring and Enforcement Group (IMEG) na imbestigahan ang pulis na umanoy namukpok ng baril sa isang motorcycle rider sa gitna ng kanilang pagtatalo sa kahabaan ng F. Manalo St., sakop ng Brgy.897 Punta, Sta. Ana, Manila noong Mayo 12.
Nalaman na ang naturang pulis ay nakatalaga sa polling center sa Maynila bilang bahagi ng security operations sa panahon ng halalan.
Naging mainit ang naging pagtatalo ng pulis at rider dahilan para bumunot ng baril ang opisyal.
Agad namang namagitan ang rumespondeng pulis na nakatalaga sa police assitance desk sa polling center at sila ay dinala sa barangay para mag-ayos.
Sa ngayon, itinalaga na ang naturang pulis sa District personnel Holding and Accounting Section ng Manila Police District.
Dinisarmahan na rin habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Pormal na ring inireklamo ang naturang opisyal ng grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer.
Nagpapaalala si Marbil sa lahat ng motorista na maging displinado, magpasenysa habang nasa kalsada lalo na sa mga traffic encounters. Jocelyn Tabangcura-Domenden