MANILA, Philippines – Nais ng Commission on Elections (Comelec) na mas mahaba ang oras ng pagboto ng mga senior citizen, persons with disabiity (PWD) at buntis sa susunod na halalan.
Ayon sa Comelec, hihilingin nila sa 20th Congress na dapat mas mapaaga ang kanilang pagboto dahil nitong nakaraang halalan ay binigyan lamang sila ng dalawang oras para makaboto.
Kaya naman isusulong ng komisyon na isang linggo bago ang mismong araw ng halalan ay dapat maisagawa ang pagboto ng vulnerable sectors.
Sabi ni Garcia, ito ay para makapagpahinga na ang mga nabanggit na sektor sa araw ng halalan at hindi na makipagsabayan sa dagsa ng mga regular na botante.
Ayon pa kay Garcia, hindi dapat maging hadlang ang usapin sa badget partikular na ang honoraria na ibibigay sa mga miyembro ng electoral board.
Kinumpirma rin ng Comelec na umabot sa mahigit 3 milyong PWD, senior citizens, at buntis ang nakaboto sa isinagawang early voting hours ngayong eleksyon.
Batay sa datos ng Comelec, aabot sa 12 milyon ang rehistradong senior citizen voters, habang nasa 600,000 naman ang PWD. Jocelyn Tabangcura-Domenden