MANILA, Philippines- Magsisilbi ang Department of Justice (DOJ) na kinatawan ng gobyerno sa petition for Habeas corpus na isinampa ng magkakapatid na Duterte para sa ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kinumpirma ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ang DOJ na kakatawan sa pamahalaan batay sa kautusan ni Executive Secretary Lucas Bersamin.
Kasunod ito ng recusal ni Solicitor General Menardo Guevarra na maging kinatawan ng gobyerno dahil sa paninindigan nito na walang hurisdiksyon ang International Criminal Court sa Pilipinas matapos kumalas ang bansa sa Rome Statute noong 2019.
Sinabi ni Remulla na nakapaghain na ang kagawaran ng komento sa Supreme Court kaugnay sa petition for habeas corpus ng magkakapatid na Duterte.
Iginiit rin ni Remulla na malabo nang maibalik pa sa Pilipinas si Duterte.
“Wala na iyon. Done deal na,” ani kalihim.
Sinabi ni Remulla na mayroon na ring judicial notice sa The Hague hinggil sa pagtuloy-tuloy ng pagdinig sa kaso ng dating Pangulo. Teresa Tavares