MANILA, Philippines- Aapela ang kampo ng independent contractors na sina Jojo Nones at Richard Cruz sa resolusyon ng Department of Justice (DOJ) sa umano’y panghahalay sa aktor na si Sandro Muhlach.
Naghain ang DOJ ng isang count ng rape through sexual assault at dalawang counts ng acts of lasciviousness laban kina Nones at Cruz sa Pasay Regional Trial Court (RTC).
Base sa ulat nitong Biyernes, sinabi ng legal counsel nina Nones at Cruz na si Atty. Maggie Abraham-Garduque, na hindi sapat ang basehang inilatag ng DOJ upang suportahan ang findings.
“For them [Jojo Nones and Richard Cruz] the grounds laid do not support the findings,” pahayag niya. “Hence we will appeal this resolution. We might also file motions to quash the informations filed in court.”
Kinasuhan ng DOJ ang independent contractors matapos makakita ng “prima facie evidence with reasonable certainty of conviction” upang panagutin ang dalawa sa krimen.
Matapos maisampa ang kaso laban kina Nones at Cruz, inihayag ng kampo ni Muhlach na sila ay “one step closer” sa pagkamit ng hustisya.
“We will continue our fight for Sandro and we have faith that our justice system will uphold the truth, honor Sandro’s courage, and hold his perpetrators accountable for their atrocities,” ani Atty. Czarina Raz, abogado ni Muhlach.
Noong Agosto, naghain ng reklamo ang National Bureau of Investigation at si Muhlach laban kina Nones at Cruz para sa umano’y sexual assault.
Naghain din si Muhlach ng formal complaint laban sa kanila sa human resources ng GMA Network, dahilan upang magsagawa ng sariling imbestigasyon ang network. RNT/SA