Home NATIONWIDE DOJ sa Bamban POGO ‘incorporators’: Maghain ng reklamo sa ‘stolen identity’

DOJ sa Bamban POGO ‘incorporators’: Maghain ng reklamo sa ‘stolen identity’

MANILA, Philippines- Pinayuhan ng Department of Justice (DOJ) ang mga umano’y biktima ng identity theft sa usapin ng Philippine offshore gaming operators (POGO) na lumantad na at magsampa ng kaso laban sa gumagamit ng kanilang pangalan.

Nanawagan si DOJ Undersecretary at in-charge ng Inter-Agency Council Against Trafficking Nicholas Felix Ty sa mga respondent na nagsabi na nadawit lamang sila sa gulo na humarap sa kagawaran para linisin ang kanilang pangalan.

Iginiit ni Ty na ang DOJ at hindi ang Senado ang tamang lugar upang ihain nila ang kanilang panig.

“Kailangan kayo sumagot. Dahil kung hindi kayo sumagot, baka makasuhan kayo.” 

Magugunita na sinampahan ng reklamong qualified trafficking si si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at 13 iba pa dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na POGO na Hongsheng Gaming Technology. 

Gayunman, lumalabas na ilan sa mga inireklamong may-ari ng naturang POGO ay biktima umano ng identity theft.

Sa pagdinig ng Senado noong Hunyo 26, itinanggi ni Merlie Joy Castro ng Concepcion, Tarlac na isa siya sa may-ari ng Hongsheng Gaming Technology at wala siyang pinansyal na kapasidad para rito.

Maliban kay Castro, mayroon ding nakalagay na tatlong Filipino co-owners ang Hongsheng ngunit ayon kay Castro, kilala ang tatlong ito na pawang mga tindera sa palengke sa kanilang bayan sa Concepcion. 

Dahil dito, sinabi ni Ty na kailangang humarap ng mga ito sa kagawaran upang maghain ng reklamo dahil sa pagnanakaw sa kanilang pagkakakilanlan.

Sisimulan na rin ng DOJ ang preliminary investigation upang alamin kung may sapat na basehan para maisampa sa korte ang kasong qualified trafficking. Teresa Tavares