MANILA, Philippines – Wala pang opisyal ng gobyerno na sangkot sa flood control projects ang nasisilbihan ng freeze order ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), ayon sa Department of Justice (DOJ).
Sinabi ni Justice spokesperson Atty. Polo Martinez na tanging ang anim na engineer pa lamang mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang na-freeze ang mga ari-arian ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Taliwas ito sa naunang naging pahayag ni dating Justice Secretary at kasalukuyang Ombudsman Boying Remulla, na nakakuha na umano ng freeze order ang AMLC laban kina Sen. Joel Villanueva, Sen. Jinggoy Estrada, at dating Ako Bicol Representative Zaldy Co.
Paglilinaw ng DOJ, hindi ibig sabihin nito na wala silang maisasampa, dahil pinoproseso pa umano nila ang aplikasyon para sa freeze order laban sa mga halal na opisyal ng gobyerno na sangkot sa kaso.
Sinabi rin ng DOJ na kinakailangan pa ng AMLC na magsagawa ng imbestigasyon pata matukoy kung may sapat na batayan para sa paghahain ng aplikasyon ng freeze order sa Court of Appeals. Jocelyn Tabangcura-Domenden