
ANG Department of Labor and Employment (DOLE) at Jobstreet Philippines ay nagtulungan sa paghahatid ng higit sa walong libong trabaho at iba pang oportunidad sa pag-unlad ng karera ng mga naghahanap ng trabaho sa ginanap na Career Con 2025 – ang pinakamalaking career event sa Pilipinas.
Sa pangunguna ng Jobstreet Philippines, nagtipon sa dalawang araw na kaganapan sa SMX Convention Center sa Pasay na nagsimula noong Enero 28, ang mahigit 150 employer mula sa mga malalaking negosyo na nag-alok ng bakanteng trabaho para sa entry level hanggang senior roles sa hindi bababa sa 18,000 aplikante na nagparehistro.
Bukod sa pag-uugnay ng mga manggagawa at employer sa job fair, nagkaroon din ng mga talakayan upang bigyan ang mga naghahanap ng trabaho ng mahahalaga at napapanahong impormasyon ukol sa trabaho at career development.
Naglagay rin ng one-stop-shop ng mga serbisyo ng pamahalaan mula sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Social Security System (SSS), National Bureau of Investigation (NBI); resume clinic; resume ID photo booth; at on-the-spot hiring at interview. Nagsagawa din ng SEEK Summit, o isang upskilling masterclass para sa middle management at business-to-business (B2B) networking.
“Binibigyang-diin ng kaganapang ngayon ang aming pinagsamang pangako na iugnay ang mga manggagawang Pilipino sa mga makabuluhang oportunidad sa trabaho. Malinaw na ipinapakita ng tema ngayon, ‘The Future of Work in The Philippines,’ ang pangangailangan na patuloy tayong umangkop sa mabilis na pagbabago ng mundo ng paggawa na hinuhubog ng teknolohiya, globalisasyon, pagbabago ng klima, at ang mga nagbabagong pangangailangan ng mga manggagawa,” pahayag ni DOLE Secretary Bienvenido E. Laguesma sa kanyang mensahe.
Pinasalamatan ni Secretary Laguesma ang Jobstreet sa patuloy nitong pakikipagtulungan sa pag-oorganisa ng mga job fair, pagbabahagi ng mahahalagang impormasyon sa merkado sa paggawa, at sa pagtataguyod ng iba’t ibang serbisyo sa pangangasiwa ng trabaho.
“Ang mga pagsisikap na ito ay hindi lamang nakatulong sa mga hindi na mabilang na Pilipinong nakahanap ng trabaho, naging gabay rin ito sa mga employer na makahanap ng kwalipikado at may kasanayang indibidwal na nagbibigay ng malaking ambag sa pag-unlad ng ekonomiya ng ating bansa,” dagdag ng Kalihim.