Home OPINION TIGILAN NA ‘KAMOTE RIDING’ SA MARILAQUE

TIGILAN NA ‘KAMOTE RIDING’ SA MARILAQUE

NITONG Linggo, nagpakitang-gilas ang daan-daang motorcycle riders na nagsama-sama sa unity ride sa dakilang layunin: “Make Marilaque Safe Again.”

Sigurado namang appreciated ang araw na ito ng disiplinado at ligtas na pagmomotorsiklo, kasunod ng pumalpak na Superman stunt ng dalawang motorcycle riders na ikinasawi ng isa sa kanila habang anim na iba pa ang nasugatan nitong Enero 26.

Pero ang tanong: Tatagal ba ng higit sa isang araw ng magandang PR ang mabuting hangarin na ito sa kalsada, o masaksihan muli sa mga susunod na araw ang barubal na karerahan, tampok ang parehong buwis-buhay na stunts, ang parehong “kamote” riding na dahilan kaya tinagurian ang Marilaque bilang pinakadelikadong kalsada para sa motovloggers?

Mayroong tanga, at mayroong handang-mamatay-para-sa-TikTok na katangahan. Pasok sa huling kategorya ang mga pasaway na rider ng Marilaque Highway. Ginagawang personal nilang racetracks ang mga pampublikong lansangan, pakikipagsapalaran ng kamote riders na ito — karamihan ay binansagang motovloggers — ang kanilang mga buhay (gayundin ang sa iba) para sa online clout.

Linawin natin: hindi ito simpleng katangahan — isa itong kapabayaan na maaaring mauwi sa krimen. Mayroong tanga na nakapagmomotorsiklo; pero ibang klaseng katangahan ‘yung gamitin ang kalsada para ipahamak ang mga inosenteng motorista at dumaraan.

Mula Enero hanggang Setyembre 2024, sinabi ng PNP Highway Patrol Group na nakapagtala ng tinatayang 22,000-28,000 aksidente sa motorsiklo. Target ng Land Transportation Office na bawasan, kahit mapangalahati man lang, ang bilang na ito ngayong taon.

Nais ng opisyal ng LTO na si Vigor Mendoza na magkabit ng high-definition CCTVs sa Marilaque Highway upang matutukan ang mga pasaway at agarang matukoy ang kanilang pagkakakilanlan. Suggestion ko: suspendihin ang lisensya. Kumpiskahin ang motorsiklo. Gawing hindi kaaya-aya ang “kamote riding” sa pagiging magastos ng consequences ng kanilang ginagawa.

Binigyang-diin ni Sen. JV Ejercito — isa ring rider — na responsableng pagmomotorsiklo ang susi sa pagiging ligtas ng kalsada. Gayunman, ngayong 18 milyong motorsiklo na ang nasa national roads, dapat pangunahan ng gobyerno ang pagbibigay-kaalaman at pagdidisiplina sa riders.

Good riddance!

May bagong pinuno na ang PhilHealth, at sana naman, alam na niya ang kanyang mandato. Itinalaga ni Pangulong Marcos si Dr. Edwin Mercado, orthopedic surgeon na may nakamamanghang karanasan sa pangangasiwa sa healthcare at universal health financing. Bitbit sa kanyang credentials ang Harvard, UNC, at UP, mistulang siya ang klase ng pinuno na kayang “gamutin” ang PhilHealth — ‘yun ay kung may gulugod siya para gawin iyon.

Congratulations, Dr. Mercado! At kung hihingin mo payo ko, maging kabaligtaran ka sana ng pinalitan mong si Emmanuel Ledesma, na ang pinaggagawa sa PhilHealth ay nananatiling kahiya-hiya. Sobrang kahihiyan naman talaga kung paano nagawang i-hoard ang ₱500 bilyon reserbang pondo gayung hirap na hirap ang mga Pilipino sa pagbabayad ng hospital bills.

Hindi ko lubos maisip kung paano siyang itinalaga ni Pangulong Bongbong sa pwesto, gayung kahiya-hiya rin ang pagkakaalis niya sa PSALM. Matatandaang inakusahan si Ledesma sa maanomalyang bidding at hindi tamang pamamalakad, hanggang sa ipetisyon siya ng mga empleyado at suspendihin ng board.

Nakapagtataka kung paano naisip ni Marcos na mapapangasiwaan ni Ledesma nang maayos ang PhilHealth!

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.