Home HOME BANNER STORY DOLE chief binatikos ng TUCP: Anong ‘historic’ sa P85 dagdag-sahod?

DOLE chief binatikos ng TUCP: Anong ‘historic’ sa P85 dagdag-sahod?

3
0

MANILA, Philippines – Binatikos ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) Party-list si Labor Secretary Francisco “Tol” Tolentino matapos nitong tawaging “historic” ang P85 na dagdag sa minimum wage ng mga manggagawa sa Metro Manila.

Ayon sa TUCP, kulang ang umento upang mabawi ang nawalang purchasing power ng mga manggagawa dahil sa inflation, lalo’t ipatutupad pa ito nang paunti-unti.

“Ang tunay na ‘historic’ sa umentong ito ay hindi ang laki nito kundi ang kapal ng mukhang tawagin itong makasaysayan. Wala pang P100 ang idinagdag sa sweldo ng manggagawa matapos silang mawalan ng daan-daang pisong halaga ng kanilang sahod dahil sa inflation,” pahayag ng TUCP.

“Mas masahol pa, utay-utay pa itong ibibigay na para bang limos na kailangang pagtiisan at paghintayin pa ang manggagawa ng ilang buwan. Hindi ito dahilan para magpasalamat kundi dahilan para mas magalit na lalong ipaglaban ang P200 pambansang dagdag-sahod sa Kongreso at Senado,” dagdag nito.

Muli ring iginiit ng TUCP ang panawagan para sa isang legislated P200 nationwide wage hike kasabay ng unang pagdinig ng House Committee on Labor and Employment sa panukalang batas. Nagkasundo ang mga mambabatas na ipagpatuloy ang deliberasyon matapos ang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang maihanda ang substitute bill.

Kinuwestiyon din ng TUCP ang hindi pagdalo ni Tolentino sa pagdinig ng Kongreso at sinabing mas pinili nitong ipagtanggol ang regional wage board system kaysa suportahan ang pambansang dagdag-sahod.

“Ngayon malinaw na kung bakit hindi dumalo si Sec. Tolentino sa pagdinig ng Kongreso. Sa halip na makiisa sa paghahanap ng tunay na solusyon sa mababang sahod, mas pinili niyang ipagtanggol at ipagbunyi ang sistemang regional wage board na ilang dekada nang bigong maiahon ang manggagawa sa kahirapan,” ayon sa TUCP.

Idinagdag ng grupo na milyon-milyong manggagawa sa Visayas, Mindanao, at iba pang rehiyon ang wala pa ring katulad na dagdag-sahod, na anila’y patunay na bigo ang kasalukuyang regional wage board system na matiyak ang disenteng sahod para sa mga manggagawa sa buong bansa. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here