Home NATIONWIDE DOLE, DSWD sanib-pwersa sa pagtugon sa epekto ng El Niño, La Niña

DOLE, DSWD sanib-pwersa sa pagtugon sa epekto ng El Niño, La Niña

MANILA, Philippines – Magtutulungan ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) para tugunan ang epekto ng El Niño at La Niña sa mga komunidad gamit ang whole-of-nation approach.

Pinagtibay ng dalawang ahensya ang pagtutulungan sa pamamagitan ng paglagda ng Memorandum of Understanding (MOU) nitong Mayo 31, 2024, para sa magkaagapay na pagpapatupad ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng DOLE at Project LAWA at BINHI o Local Adaptation to Water Access and Breaking Insufficiency through Nutritious Harvest for the Impoverished Project ng DSWD.

Ang TUPAD ay isang programa ng DOLE na nagbibigay ng pansamantalang trabaho sa mga naghahanap o nawalan ng trabaho sa pamamagitan ng mga proyekto ng pamahalaan para sa mga apektadong komunidad, mga dinaanan ng kalamidad at mga proyektong pangrehabilitasyon.

Magpapatupad naman ng ibat-ibang proyektong pang- imprastraktirang pamahalaan ang Project LAWA at BINHI para sa patubig gaya ng rehabilitasyon at pagsasaayos ng mga tubig-imbakan ng mga sakahan, mga pasilidad sa pag-aani at pag-iimbak nito, at mga programang pangsakahan at pagtatanim ng gulay at ibang uri ng pananim sa komunidad.

Bilang kolaborasyon, ang TUPAD ng DOLE ang magpapasweldo sa mga magtatrabaho base sa rekomendasyon ng mga local government units.

Kabilang sa mga makikinabang ng mga nasabing programa ay ang mga magsasaka, mangingisda, katutubo, at iba pang indibidwal na apektado ng kalamidad. Sila ay bibigyan ng pasahod batay sa pinakamataas na minimum wage sa kanilang rehiyon.

Bukod dito, mayroong micro-insurance at personal protective equipment o PPE na ipagkakaloob sa mga benepisyaryo habang nagtatrabaho, at oryentasyon para sa kaligtasan at kalusugan bago magsimula.

Ang nasabing convergence program ng DOLE at DSWD ay alinsunod sa direktiba ng Pangulo na ipatupad ang isang whole-of-nation-approach na naglalayong maibsan ang epekto ng El Niño at La Niña sa kabuhayan ng mga manggagawa lalong lalo na ng mga vulnerable at marginalized individuals. Jocelyn Tabangcura-Domenden