MANILA, Philippines – Iginiit ni Senate Labor Committee Chairperson Joel Villanueva na dapat nang ipatupad ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang Wage Order No. 27 na nagtatakda ng ₱85 dagdag-sahod para sa mga manggagawa sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay Villanueva, ang kalituhang dulot ng bagong wage order na nagtatakda lang ng ₱60 dagdag-sahod ay lalo lamang nakadagdag sa alalahanin ng mga manggagawa.
“Ang kalituhang dulot ng bagong wage order na nagtatakda ng ₱60 dagdag-sahod ay lalo lamang nakadagdag sa alalahanin ng ating mga manggagawa. Ito ang dahilan kung bakit naninindigan tayo na dapat nang ipatupad ng DOLE ang Wage Order No. 27 na nagtatakda ng ₱85 dagdag-sahod at dumaan sa itinakdang proseso at mga konsultasyon sa mga stakeholder,” pahayag ni Villanueva.
Binigyang-diin ng senador na hindi maliit ang ₱25 na pagkakaiba sa dalawang wage order, lalo na para sa mga manggagawang patuloy na nakararanas ng mataas na gastusin sa NCR.
Giit niya, malinaw na nakasaad sa Article 126 ng Labor Code na walang temporary restraining order (TRO) o injunction na maaaring ilabas laban sa isang wage order.
“Ang paglalabas ng panibagong wage order ay hindi ang tamang solusyon para rito,” aniya.
Nilinaw din ni Villanueva na malinaw ang tuntunin na isang wage order lamang ang maaaring ilabas kada taon, maliban kung may supervening event o mahalagang pangyayari na maaaring maging batayan para sa panibagong kautusan.
“Sa ngayon, wala namang ganitong kaganapang magbibigay-katwiran sa paglalabas ng panibagong kautusan,” sabi ng senador.
“Walang dapat na shortcut dito, at dapat higit itong nauunawaan ng DOLE, na noon pa ay kilala na sa paggamit ng lahat ng posibleng paraan upang makahanap ng solusyon para sa ating mga manggagawa. Walang mabilisang solusyon dito,” dagdag niya.
Nagbabala si Villanueva na hindi tama ang pagbibigay ng huwad na pag-asa sa mga kababayang matagal nang naghihintay at umaasa sa dagdag-sahod.
Anya, ito mismo ang nagpapakita kung bakit napakahalaga ng due process sa pagtatakda ng dagdag-sahod at kung bakit lalong kailangang maipasa ang Living Wage Act na kanyang pinangungunahan ngayong 20th Congress.
Layunin ng panukalang batas na magtakda ng malinaw at angkop na pamantayan sa pagtukoy ng sahod — isang sahod na nakabatay sa aktuwal at umiiral na halaga ng pamumuhay at tunay na pangangailangan ng mga manggagawa at kanilang pamilya. Ernie Reyes