MANILA, Philippines – Mabilis na inaprubahan ng Senate Energy Committee, sa pangunguna ng chairman Senador Erwin Tulfo, nitong ika-10 Setyembre ang mga panukalang batas na naglalayong ideklara ang unang Lunes ng Agosto ng bawat taon bilang “National Line Workers Appreciation Day” at maglaan ng insurance coverage para sa kanila.
“Sa likod ng bawat ilaw na patuloy na nakasindi ay ang mga line worker na humaharap sa mahirap at kadalasang mapanganib na mga kondisyon upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng kuryente. Hindi biro ang mga panganib na kinakaharap ng ating mga lineman,” ani Tulfo.
“Kapag may bagyo, baha, lindol, o anumang sakuna, sila ang ipinapadala sa labas upang umakyat sa mga poste, magkumpuni ng mga linya ng kuryente, at magtrabaho nang ilang oras, kahit dis-oras na ng gabi, upang maibalik lamang ang serbisyo ng kuryente,” diin niya.
Ang mga panukalang batas sa Senado na kumikilala sa mahalagang serbisyo ng mga line worker ay magkahiwalay na inihain nina Tulfo, Senador Francis Escudero, at Senate President Sherwin Gatchalian, habang ang counterpart measure nito sa House of Representatives ay inakda ng 25 kinatawan at inaprubahan ng Kamara sa ikatlong pagbasa.
Kaugnay nito, inaprubahan din ng Senate Energy Committee ang Senate Bill Nos. 498, 923, at 2448, gayundin ang House Bill No. 7239, na naglalayong maglaan ng mandatory insurance coverage at iba pang benepisyo para sa lahat ng line worker.
Ayon kay Tulfo, magtatakda ang mga panukalang batas ng mandatory minimum threshold para sa life, accident, at disability insurance ng mga line worker sa mga pribadong distribution utility, electric cooperative, at transmission o grid operator sa buong bansa.
“Kung kikilalanin natin ang kanilang serbisyo, dapat kilalanin din natin ang peligro na kaakibat ng kanilang trabaho. Tunay at seryoso ang mga panganib na ito. Hindi lamang ito mga karaniwang occupational risk. Mga panganib ito na maaaring kumitil sa buhay ng isang manggagawa, mag-iwan sa isang pamilya na wala ang kanilang mahal sa buhay, at mawalan ng pinagkukunan ng kabuhayan,” pahayag ng chairman ng Senate Energy Committee.
Inaasahang ihahanda ng Senate Energy Committee ang committee report sa mga panukalang batas para sa mga line worker sa susunod na linggo bilang paghahanda sa sponsorship nito sa plenaryo ng Senado. Ernie Reyes