Home HOME BANNER STORY DOLE nagpaalala sa holiday pay rules

DOLE nagpaalala sa holiday pay rules

MANILA, Philippines- May karapatang makatanggap ang mga manggagawa sa pribadong sektor na magre-report sa trabaho ngayong Sabado ng 200 porsiyento (double-pay) ng kanilang arawang sahod.

Sa isang labor advisory noong Biyernes, pinaalalahanan ni Secretary Bienvenido Laguesma ang mga employer na sundin ang mga patakaran sa sweldo para sa Bonifacio Day, isang regular holiday.

Sinabi ng DOLE na ang mga empleyadong magre-report sa trabaho sa nasabing araw ay tatanggap ng 200 porsyento ng kanilang sahod para sa araw na iyon sa unang walong oras (basic wage x 200 percent).

Para sa trabahong ginawa nang lampas sa walong oras, babayaran ng employer ang empleyado ng karagdagang 30 porsyento ng oras-oras na rate sa nasabing araw (oras-oras na rate ng pangunahing sahod x 200 porsyento x 130 porsyento x bilang ng oras na nagtrabaho).

Kapag ang mga manggagawa naman ay nagtrabaho sa panahon ng regular holiday na pumatak sa pahinga o rest day ng empleyado, babayaran ng employer ang empleyado ng karagdagang 30 porsyento ng pangunahing sahod na 200 porsyento (basic wage x 200 porsyento × 130 porsyento).

Para sa trabahong ginawa sa loob ng higit sa walong oras sa panahon ng regular holiday na pumapatak din sa araw ng pahinga ng empleyado, babayaran ng employer ang empleyado ng karagdagang 30 porsyento ng hourly rate sa nasabing araw (hourly rate ng basic wage x 200 percent 130 percent x 130 porsyento x bilang ng mga oras na nagtrabaho).

Kung hindi nagtrabaho ang empleyado, babayaran ng employer ang 100 porsyento ng sahod ng empleyado para sa araw na iyon, sa kondisyon na ang empleyado ay mag-uulat sa trabaho o nasa leave of absence na may bayad sa araw na kaagad bago ang regular holiday.

Kung ang araw kaagad bago ang regular holiday ay isang araw na walang pasok sa establisimyento o ang nakatakdang araw ng pahinga ng empleyado, dapat bigyan ng holiday pay kung ang manggagawa ay mag-uulat sa trabaho o nasa leave of absence na may bayad kaagad sa araw na iyon bago ang araw na walang pasok o araw ng pahinga (basic wage x 100 percent).

Ang Nobyembre 30 ay ang ika-161 anibersaryo ng kapanganakan ni Andres Bonifacio, ang nagtatag ng rebolusyonaryong grupong Katipunan na tumindig laban sa mga mananakop na Espanyol. Jocelyn Tabangcura-Domenden