Home NATIONWIDE Pinakamahabang special 2024 Christmas stamps inilunsad ng PHLPost

Pinakamahabang special 2024 Christmas stamps inilunsad ng PHLPost

MANILA, Philippines- Inilunsad ng Philippine Postal Corporation o PHLPost ang pinakamababang special 2024 Christmas stamps kasabay ng pagpapailaw sa mga Christmas tree at decorations sa lungsod ng Maynila Biyernes ng gabi.

Ayon kay PHLPost Postmaster General Luis D. Carlos, tampok sa stamps ang “Simbang Gabi sa Ilog Pasig” na taos-pusong pagpupugay sa itinatanghal na tradisyong Pilipinong Katoliko ng Simbang Gabi.

May sukat na 234mm ang haba, ipinagdiriwang ng artistikong obra maestra na ito ni Gelo Andres ng Renacimiento Manila ang diwa ng Kapaskuhan sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga iconic na simbahan sa tabi ng makasaysayang Pasig River.

Kabilang dito ang Binondo Church, Quiapo Church, Manila Cathedral Church, Sta. Ana Church, San Felipe Neri Church, San Pedro Macati Church, Guadalupe Church, Pasig Church at Antipolo Church.

Ang bawat selyo ay sumasalamin sa walang hanggang kagandahan ng mga sagradong palatandaang ito habang pinararangalan ang malalim na pananampalataya at walang hanggang pag-asa na nagbubuklod sa mga pamayanang Pilipino.

Kinikilala ang selyo bilang pinakamahaba sa buong mundo, ipinagdiriwang sa paglabas nito ang reputasyon ng Pilipinas sa pagkakaroon ng pinakamahabang panahon ng Pasko sa mundo, simula Setyembre hanggang sa Pista ng Tatlong Hari tuwing Enero.

Ipinagdiriwang ng PHLPost ang National Stamp Collecting Month o NSCM ngayong Nobyembre.

Ang paglulunsad sa pinakamababang stamps sa mundo ay kasabay ng pailaw ng Christmas tree at decorations kasama sina Manila Mayor Honey-Lacuna Pangan at Vice Mayor Yul Servo sa Kartilya sa Katipunan. Jocelyn Tabangcura-Domenden