
ISINUSULONG ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagiging handa ng lakas-paggawa ng Pilipinas sa paggamit ng artificial intelligence (AI) sa pagdaraos ng DOLE Data at AI Roadmap Workshop sa Cebu City.
Binigyang-diin sa isinagawang workshop, na itinuturing ng DOLE na isang mahalagang hakbang tungo sa modernisasyon, ang pangako ng Kagawaran na gamitin ang teknolohiya para sa mas mahusay na serbisyo para sa mga manggagawang Pilipino at mga namumuhunan.
Sa kanyang pambungad na pananalita, binigyang-diin ni DOLE Assistant Secretary for Employment and Human Resource Development Cluster Atty. Paul Vincent W. Añover ang mahalagang papel ng kolaborasyon sa loob ng kagawaran para sa epektibong pagbibigay-suporta sa mga manggagawa at employer dulot ng mabilis na pagbabago ng kapaligiran sa kasalukuyan.
“Sa aming pananaw, ang paggamit ng AI ay makatutulong sa paghahatid ng mabilis, inklusibo, at maaasahang serbisyo kasabay ng pagtataguyod ng pinakamataas na antas ng pamamahala at pananagutan para sa mga manggagawang Pilipino,” dagdag ni Assistant Secretary Añover.
Sa pangangasiwa nina Arun Britto at Nitin Kataria mula sa Tiger Analytics, ang workshop ay nakatuon sa isang komprehensibong pagtatasa ng kasalukuyang imprastraktura ng mga datos ng DOLE. Tinalakay ng mga dumalo sa aktibidad ang mga potensyal na solusyon gamit ang AI para sa mas mahusay at mas maging epektibo ang mga pangunahing programa ng DOLE, kabilang ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), Special Program for Employment of Students (SPES), Technical Advisory Visits (TAV), Labor and Employment Education Services (LEES), at ang DOLE Integrated Livelihood Program (DILP).
Tampok sa talakayan ang mga kritikal na bahagi para sa pagbabago, kabilang ang agarang pangangailangan para sa standardized AI-driven documents and records management system. Binanggit din ng mga kalahok ang pangangailangan para sa automated data analysis at advanced duplicate beneficiary detection upang matiyak ang integridad ng programa at ganap na mapakinabangan ang mga pondong nakalaan. Layunin ng aktibidad na maisaayos ang pangangasiwa ng operasyon para sa mas maayos na paghahatid ng serbisyo mula sa iba’t ibang programa ng DOLE.
Dumalo rin sa nasabing aktibidad sina DOLE Planning Service Director Adeline T. De Castro, DOLE Regional Directors Atty. Roy L. Buenafe (Region 7), Atty. Joffrey M. Suyao (Region 10), Joel M. Gonzales (Region 12), Atty. Jason P. Balais (Region 13); at Assistant Regional Directors Melisa Navarra (Region 6), at Atty. Connie Beb Torralba (Rehiyon 11).