MANILA, Philippines – Inatasan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagsubaybay sa pagsunod sa mandatory provision ng 13th month pay sa mga manggagawa.
Sa Labor Advisory No. 16-2025, inutusan ng departamento ang lahat ng field office na siguraduhin na sumusunod ang mga kumpanya sa Presidential Decree No. 851, na nag-uutos sa mga kumpanya na bigyan ng 13th month-pay ang kanilang mga empleyado.
Pinaalalahanan ng DOLE na walang exemption sa pagbigay ng 13th month pay ang mga kumpanya.
Ang 13th month pay ay dapat ibigay sa mga rank-and-file na manggagawa anuman ang kanilang posisyon, designation, o employment status, at kahit anong paraan ng pagbabayad ng kanilang sahod, basta’t nakapag trabaho sila ng kahit isang buwan sa loob ng kalendaryo ng taon.
Ang minimum na 13th month pay ay hindi dapat bababa sa 1/12 ng kabuuang basic salary na nakuha ng isang empleyado sa loob ng isang kalendaryo ng taon.
Kasabay nito, pinaalalahanan ng DOLE ang mga employer na magsumite ng kanilang mga ulat sa pagsunod sa nasabing bayad.
Dapat bayaran ang 13th month pay sa o bago ang Disyembre 24. Jocelyn Tabangcura-Domenden