Home NATIONWIDE DOLE sa mga employer: Proteksyon ng mga manggagawa sa init tiyakin

DOLE sa mga employer: Proteksyon ng mga manggagawa sa init tiyakin

MANILA, Philippines- Hinimok ng Department of Labor and Employment (DOLE) nitong Martes ang mga pribadong kompanya na magpatupad ng mga hakbang upang mabawasan ang epekto ng mainit na temperatura sa mga lugar ng trabaho.

Hiniling ni Secretary Bienvenido Laguesma sa mga employer na sumunod sa Labor Advisory No. 08-2023.

Binanggit niya ang kahalagahan ng pagpapatibay ng mga naturang hakbang upang mapanatiling ligtas ang mga empleyado at lugar ng trabaho.

Sa ilalim ng guidelines, sinabi ng DOLE na dapat tiyakin ng mga kuompanya ang epektibong ventilation at heat insulation sa lahat ng lugar na may mga manggagawa.

Dapat din umanong magkaroon ng pagsasaayos ng rest breaks o lokasyon ng trabaho upang makarekober mula sa pagkakalantad sa init.

Hinihimok ang mga kompanya na magbigay ng mga uniporme na naaangkop sa temperatura at personal na kagamitan sa proteksyon, tulad ng mga sumbrero, salaming de kulay na may proteksyon laban sa ultraviolet rays, at komportableng light material na long-sleeve na t-shirt.

Idinagdag ng ahensya na dapat magbigay ang kompanya ng libre at sapat na maiinom na tubig.

Hinihimok din ang mga pribadong kompanya na magsagawa ng pagtatasa, impormasyon, at advocacy campaign sa sintomas at kung paano tutugunan ang heat stress at magtatag ng mga pamamaraan at mga information networks upang matugunan ang mga emerhensiyang nauugnay sa init.

Inaasahan ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration na aabot sa 27 hanggang 46 degrees Celsius ang heat index sa maraming rehiyon sa bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden