Home NATIONWIDE Nabuburong mining exploration permits, pinakakansela ni Escudero sa DENR

Nabuburong mining exploration permits, pinakakansela ni Escudero sa DENR

MANILA, Philippines – Pinakakansela ni Senate President Francis “Chiz” G. Escudero sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at bawiin ang lahat ng mining exploration permits na hindi nagagamit dahil walang karapatan ang mga kompanyang hawakan ang permiso kundi magagamit ang lisensiyang ibinigay sa pamamagitan ng Mining Act.

Sa press conference sinabi ni Escudero na nabalewala ang intensiyon ng Republic Act No. 7942, o ang Philippine Mining Act, sa hindi paggamit ng permiso na may layunin na itaguyod at gamitin ang yaman ng bansa para sa pambansang paglago.

“The intention of the Mining Act is to promote the rational exploration, development, utilization, and conservation of mineral resources to enhance national growth. Exploratory permits were issued by government to achieve this goal, but if these are not being utilized by the mining firms, then they have no business holding on to these permits,” aniya.

“Kung hindi ka tumupad sa napagkasunduan na dapat gawin sa loob ng takdang panahon, dapat tanggalin o kanselahin na ang exploration permit o yung MPSA (mineral production sharing agreement)—sino ka man, ano man pangalan o apelyido mo o kompanyang kinabibilangan mo,” giit pa ng senador.

Idinagdag pa ng lider ng Senado na dapat ibigay ang hindi nabuburong permiso sa kompanya ng Minahan na may kakayahan sa pamamagitan ng bidding at maaaring tumaas ang kita ng pamahalaan.

“Hindi … kayang mag-explore, hindi niya kayang i-process ang minerals, bitawan niya o bawiin sa kanya ng gobyerno, at ang panukala ko … i-bid out ng gobyerno (ang permits) para kumita pa,” paliwanag ni Escudero.

Kamakailan, inihain ni Escudero ang Senate Resolution No. 131na naglalayong iimbestigahan ang maraming bilang ng di-aktibo , non-operational, invalid o di nagagamit an exploration permits at mineral agreements taliwas sa ideneklarang patakran ng Mining Act of 1995.

“Nag-apply, tinatrato bilang pribadong pagmamay-ari nila, uupuan lang, hihintayin tumaas, ibebenta sa kung sino talaga interesado pagdating ng 10, 20 taon. Hindi nila pribadong pagmamay-ari ‘yan. That is owned by the State,” ayon sa senador.

“Under the Constitution, all mineral deposits are owned by the State. They are mere contractors. Any EP (exploration permit) or MPSA (mineral production sharing agreement) grantee or licensee are mere contractors of the State over an asset that is owned by the State,” giit pa niya.

Pinangunahan ni Escudero ang isang public hearing ng Committee on Environment, Natural Resources and Climate Change upang talakayin ang isang Senate resolution na natuklasan na hindi napagyayaman ng Pilipinas ang mineral resources nito at makamit ang kabuuang potensiyal sa paglago at kaunlaran sa kabila ng ika-5 ang bansa sa global mineral reserves at ikalawa sa pinakamayaman na nagmimina ng nickel ore.

“Ang Pilipinas ay mayamang bansa na nagpapanggap na mahirap pagdating sa mineral resources. Bakit hindi natin napapakinabangan at nagagamit yun?” aniya.

Base sa pinakahuling datos ng gobyerno, umaabot lamang sa 0.5 porsiyentong GDP ang naibahagi ng minahan nitong 2022 at 0.7 porsiyento sa 2023.

“Ang (mining sa) Pilipinas nasa 0.7 percent, wala pa isang porsyento ng GDP. Sa ibang bansa, malayong mataas, 13, 14, 18 percent ng GDP ‘yung nasa top 10 ng richest countries in the world. Bakit tayo nasa one-half of 1 percent lang? Sobrang kaunti,” ayon kay Escudero.

Sa pagdinig, natuklasan na umaabot sa 152 exploration permits ang hindi nagagamit nitong Pebrero 2025. Ernie Reyes