Home SPORTS Doncic nangako ng korona sa Lakers

Doncic nangako ng korona sa Lakers

BUONG tapang na nangako si Luka Doncic na dadalhin ang Los Angeles Lakers sa tagumpay sa NBA matapos siyang pormal na ipakilala ng koponan kasunod ng nakakagulat na trade mula sa Dallas Mavericks.

Aminado ang 25-anyos na Slovenian superstar na hindi pa siya ganap na nakakarekober mula sa pagkabigla ng paglipat mula sa Mavs, lalo’t inaasahan niyang buong karera niya ay gugugulin sa Dallas.

Ngunit sinabi ni Doncic na ang pagkakataong makasama si LeBron James sa isa sa pinakamalaking prangkisa sa NBA ay isang katuparan ng kanyang pangarap.

Ang paglipat ni Doncic sa Lakers kapalit ng defensive star na si Anthony Davis ay itinuturing na isa sa pinakamalaking trade sa kasaysayan ng NBA.

May mga ulat na nagpasya ang Dallas na i-trade si Doncic dahil sa mga isyu sa kanyang kondisyon at pisikal na kalagayan.

Ginamit naman ito ni Doncic bilang motibasyon sa kanyang bagong kabanata sa Lakers.

Aniya, ang isa lang ang kanyang layunin: “Manalo ng championship. Wala nang iba.”GP