MANILA, Philippines- Magsisimula nang ipagbili ng Department of Agriculture (DA) ang well-milled rice stocks mula sa National Food Authority (NFA) sa halagang P33 per kilogram kasunod ng deklarasyon ng food security emergency para sa bigas.
Sinabi ni NFA acting department manager Roy Untiveros na mas mababa ito ng P2 kumpara sa inisyal na target price para sa local government units (LGUs), ibang ahensya ng pamahalaan at government-owned and -controlled corporations, na maaaring ipagbili sa halagang P35/kg.
Binaluktot nang kaunti ang selling price para pabilisin ang pagpapalabas ng NFA rice stocks.
“We really have to release the stocks of NFA so we can create more space to accommodate naman iyong incoming palay deliveries from the farmers,” ang sinabi ni Untiveros, sa kabila ng P12/kg hanggang P15/kg o P1.8 billion hanggang P2.2 billion ang tinatantyang malulugi sa NFA dahil sa mas mababang presyo.
Kailangan ng NFA na ipalabas ang 150,000 metric tons o 150 million kg. ng well-milled rice stocks sa susunod na anim na buwan.
Gayundin, nilinaw ni Untiveros na ang DA, sa pamamagitan ng Food Terminal Incorporated, ang magbebenta at kukuha ng P33/kg profit mula LGUs.
“Malinaw po doon sa Republic Act 12078 na ang NFA po ay hindi authorized to sell its stocks. So malinaw po doon na sinabi na the DA may sell the NFA stocks,” ang sinabi ni Untiveros, tinukoy ang papel ng DA para muling lagyan o dagdagan ang stocks bilang kapalit.
Bukod dito, nagtutulungan na ang NFA at LGUs para sa pagpapalabas ng alokasyon para sa rice stock.
“Fify-three letters na po ang na-send natin. And we are waiting for the reply of the LGUs so we can ascertain sino po iyong mga interested to participate,” ang sinabi ni Untiveros.
Sa ngayon, ang LGUs sa Metro Manila at Cavite ay nagpahayag na ng kanilang intensyon na makakuha ng NFA rice stock allocation.
Ang NFA rice stocks ay magiging available sa Kadiwa ng Pangulo centers at kiosks sa Metro Manila hanggang sa ikalawang linggo ng Pebrero. Kris Jose