CHINA – Dose-dosenang mga virus ang naitala sa mga hayop sa fur farms sa China.
Karamihan sa mga ito ay bagong virus at posibleng makahawa sa mga tao.
Mula noong COVID-19 pandemic, nagbabala na ang mga eksperto sa pag-aalaga ng mga hayop gaya ng minks dahil mas madaling makasagap ang mga ito ng mga bagong virus mula sa iba pang hayop.
Ayon kay Virologist Edward Holmes, na nanguna sa pagsasaliksik tungkol sa COVID-19, nararamdaman niyang ang global fur farming industry “is one most likely ways by which a new pandemic will start.”
“Personally, I think the fur farming industry globally should be closed down,” dagdag pa niya.
Kasalukuyang sinisiyasat ni Holmes ang posibleng panganib ng mga virus mula sa fur farms sa China, kung saan dito rin nagmula ang unang kaso ng COVID-19.
Sa pamamagitan ng Chinese-led team ng mga researcher, kumuha sila ng genetic material mula sa lung at intestine samples ng 461 hayop kagaya ng minks, rabbits, foxes, at raccoon dogs na namatay sa mga sakit sa bansa sa pagitan ng 2021 at 2024.
Karamihan sa mga ito ay mula sa fur farms, ang iba ay mula sa mga farm para sa pagkain at traditional medicine, at 50 ang wild animals.
Dito nadiskubre ng team ang 125 virus, kabilang ang 36 na mga bagong virus.
Tatlumput siyam sa mga virus na ito ang may “high risk” na maipasa sa iba pang mga hayop, kabilang na ang tao.
Ilan sa mga virus na ito na hepatitis E at Japanese encephalitis ay naipasa na sa mga tao.
Nakapagtala rin ng ibang uri ng bird flu sa guinea pigs, minks at muskrats.
Nakitaan din ito ng pitong uri ng coronaviruses, bagamat wala sa mga ito ang may kaugnayan sa SARS-CoV-2, na nagdudulot ng COVID-19.
Samantala, isa sa pinaka-pinangangambahang uri ng virus na nakita ni Holmes ay ang “Pipistrellus bat HKU5-like virus.”
Una itong nakita sa mga paniki ngunit nakita rin sa baga ng dalawang farmed minks.
May kaugnayan ito sa Middle East respiratory syndrome coronavirus (MERS), na nakamamatay sa tao.
“That we now see that it jumped from bats to farmed mink must serve as an alarm bell,” ani Holmes.