Home NATIONWIDE DOST: Buto ng missing sabungeros, pwede pang marekober sa Taal Lake

DOST: Buto ng missing sabungeros, pwede pang marekober sa Taal Lake

MANILA, Philippines – Posibleng marekober pa ang mga buto ng nawawalang mga sabungero sa Taal Lake kung totoo ngang doon itinapon ang kanilang mga bangkay, ayon sa Department of Science and Technology (DOST).

Paliwanag ni DOST Secretary Renato Solidum, ang laman ng katawan ang nabubulok habang ang buto ay nananatili kahit matagal na sa ilalim ng tubig. Depende rin umano sa lalim at presensya ng oxygen sa tubig kung gaano kabilis ang pagkabulok ng katawan—at sa kawalan ng oxygen, posibleng mapreserba pa ito.

Handa ang DOST na tumulong sa pamamagitan ng pagpapahiram ng kagamitan para sa mga technical divers, ngunit dahil delikado at malabo ang tubig sa lawa, mas ligtas umanong gumamit ng camera sa halip na magpadive.

Sinabi ng whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan na dinala umano sa Talisay, Batangas ang mga biktima kung saan sila pinahirapan at pinatay, bago itinapon sa lawa. Bagama’t inamin niyang hindi niya direktang nasaksihan ang mga pagpatay, aniya’y nakapanood siya ng mga video ng pananakal sa mga biktima bago raw kunin at sunugin ang kanyang cellphone.

Itinuturo niyang utak ng krimen si Charlie “Atong” Ang, na mariing itinanggi naman ito at sinampahan pa ng kaso sina Patidongan at isa pang whistleblower dahil sa umano’y tangkang pangingikil. RNT